Oplan Baklas sa ilegal na campaign materials, inilunsad – PNP
- BULGAR

- Feb 8, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | February 8, 2022

Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) na kanilang babaklasin ang mga campaign materials na nakapaskil sa mga ipinagbabawal na lugar at huhulihin ang sinumang makitang naglalagay ng mga ito.
Sa isang interview ngayong Martes kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, sinabi nitong magpapatrulya ang kanilang mga police officers sa iba’t ibang lugar para rito.
“Kapag may natyempuhan po tayo ay kailangan po natin silang i-accost at hulihin po dahil ito po ay considered as elections offense,” sabi ni Fajardo.
“Katulad ng ginawa natin noong mga nakaraan election ay mag-o-Oplan Baklas na lang po tayo katuwang po ‘yung ating election officials pati na rin po other authorized agencies,” dagdag niya.
Matatandaang ipinagbawal ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapaskil ng mga election campaign o propaganda material sa labas ng awtorisadong karaniwang poster areas, sa mga pampublikong lugar, o sa mga private properties na walang pahintulot ng may-ari.
Tinukoy naman ng Comelec ang mga public places na pag-aari ng publiko, gaya ng mga electronic announcement boards, motor vehicles, mass public transport na pag-aari ng gobyerno, waiting sheds, sidewalks, mga paaralan, at sa paligid ng mga public transport terminals, kung saan bawal maglagay ng mga campaign materials.
Ang campaign period para sa mga kandidato na tatakbo sa national positions ay nagsimula ngayong Martes, Pebrero 8, habang para sa mga local candidates, ito ay magsisimula sa Marso 25.
Nakatakda ang 2022 national at local elections sa Mayo 9.




Comments