top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Opisyal na selective sa pamimigay ng ayuda, dapat ikulong

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 29, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 29, 2024



Boses by Ryan Sison


Dapat na maipakulong at maparusahan ng perpetual disqualification ang sinumang opisyal ng gobyerno na namimili sa pagbibigay ng tulong o ayuda sa kanilang mga nasasakupan.


Ito ang inihaing panukala ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.


Batay sa House Bill, “An Act Penalizing Selective, Discretionary, and Discriminatory Acts in the Delivery of Cash, Livelihood, or Relief Assistance Programs of Local Government Units (LGUs)”, ang mga lalabag ay papatawan ng anim na buwan hanggang isang taong pagkakakulong at perpetual disqualification o habambuhay na diskwalipikado sa paghawak ng pampublikong tungkulin.


Ayon kay Tulfo, laging naririnig ang problema na namimili ang isang government official ng bibigyan niya ng ayuda mula sa gobyerno tuwing may kalamidad, pero wala namang nangyayari sa reklamo dahil walang napaparusahan dahil walang batas laban dito. 


Gayundin aniya, may mga pagkakataon na pinipili ng mga lokal na opisyal ng gobyerno ang mga tatanggap ng mga assistance program batay sa personal na konsiderasyon, kung saan inuuna ang mga kamag-anak gaya ng nangyari noong pandemya. Habang may ibang opisyal na hindi binibigyang prayoridad ang hindi nito supporter. 


Naniniwala rin si Tulfo na napakasamang gawain ito at direktang paglabag sa principles of accountability at transparency sa government service.


Napapanahon ang panukalang batas na ito na inilatag ng naturang mambabatas. 


Dapat lang parusahan ang mga opisyal ng pamahalaan na nagiging selective o choosy sa bibigyan nila ng tulong o anumang ayuda na galing din naman sa gobyerno.


Patunay lamang kasi na mas inuuna ng mga ito ang sariling interes kesa sa kapakanan ng mga mamamayan at kanilang nasasakupan. 


Habang ang taumbayan ay nagtitiis na lang na walang magawa at hindi makapagreklamo dahil wala rin namang mapaparusahan sa mga ito. 


Paalala lamang sa mga pasaway na opisyal ng gobyerno, maging patas sana sa pagbibigay ng tulong at suporta sa ating mga kababayan. Hindi tama na namimili ng tutulungan, mga supporter man ito o hindi at wala dapat kayong kinikilingan. Pantay-pantay na paglilingkod sana ang inyong gawin at laging alalahanin na magserbisyo nang tapat sa mga mamamayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page