Opisyal at empleyado ng gobyerno, ‘di sakop ng ‘Data Privacy Act’
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Pebrero 19, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay isang empleyado sa gobyerno. Hindi ako komportable na maaaring malaman ng ibang tao sa pamamagitan ng pag-search sa internet kung magkano ang aking sinasahod kada buwan. Sa tingin ko ay masyado nang sensitibo ang impormasyong ito. Paglabag ba ito ng Data Privacy Act? - Rina
Dear Rina,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Nakasaad sa Section 4 (a) ng Republic Act No. 10173, o ang “Data Privacy Act of 2012”, ang mga sumusunod:
Section 4. Scope. – This Act applies to the processing of all types of personal information and to any natural and juridical person involved in personal information processing including those personal information controllers and processors who, although not found or established in the Philippines, use equipment that are located in the Philippines, or those who maintain an office, branch or agency in the Philippines subject to the immediately succeeding paragraph: Provided, That the requirements of Section 5 are complied with.
This Act does not apply to the following:
(a) Information about any individual who is or was an officer or employee of a government institution that relates to the position or functions of the individual, including:
(1) The fact that the individual is or was an officer or employee of the government institution;
(2) The title, business address and office telephone number of the individual;
(3) The classification, salary range and responsibilities of the position held by the individual; and
(4) The name of the individual on a document prepared by the individual in the course of employment with the government;
Sang-ayon sa nabanggit, hindi sakop ng Data Privacy Act of 2012 ang mga impormasyon tungkol sa sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na may kinalaman sa posisyon o tungkulin ng nasabing indibidwal, kabilang ang office address o contact number ng nasabing opisinang kanyang kinabibilangan at kasama rin ang klasipikasyon, salary range at mga responsibilidad ng posisyong kanyang hawak.
Sumakatuwid, hindi maaaring sabihin ng isang empleyado ng gobyerno na na-violate ang kanyang data privacy right kung isinapubliko ang salary grade ng kanyang posisyon.
Bagkus, karapatan ng pinaglilingkurang bayan na malaman ang mga impormasyong tinataglay ng bawat kawani ng gobyerno.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments