Opisyal at empleyado ng gobyerno, dapat pagbawalang mag-online sugal
- BULGAR

- Aug 10
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 10, 2025

Kung pera lang ang tinitingnan, puwedeng palampasin ang online gambling. Pero kung mas malalim nating susuriin, ito ay hindi simpleng libangan — isa itong bitag na dahan-dahang umuubos ng oras, pera, at dignidad ng tao.
Ang mas nakakabahala, kung ang mga lingkod-bayan na dapat ay modelo ng disiplina at integridad ay malululong dito, paano pa natin aasahan ang maayos na serbisyo sa mga mamamayan?
Sa panahon ngayon na ilang pindot lang sa cellphone ay puwede nang tumaya sa sugal, mas matindi ang panganib, lalo na para sa mga indibidwal na may access sa pondo at kapangyarihan.
Kaya naman nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Civil Service Commission (CSC) na magpatupad ng malinaw na pagbabawal sa online gambling para sa lahat ng kawani at opisyal ng gobyerno. Ayon sa kanya, may umiiral na patakaran laban sa mga pumupuntang empleyado ng gobyerno sa mga casino, subalit hindi pa sakop ang modernong anyo ng sugal — ang mga online platform.
Dahil mas madali nang ma-access ito ngayon, naniniwala si Villanueva na dapat amyendahan ang mga alituntunin upang pigilan ang mga lingkod-bayan o civil servant na magsugal. Dagdag pa niya, huwag nang hintayin na tuluyang malulong o malubog sa adiksyon dito ang mga empleyado, lalo na at naglipana na ang mga online sugal na mabilis lang pasukin.
Maraming mambabatas na rin ang pumapabor sa pagbabawal sa nasabing industriya dahil sa lumalaking bilang ng mga naaadik dito, na pinalala pa ng mga agresibong patalastas sa social media at e-wallet apps.
Samantala, binigyang-diin naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na bubuo siya ng ahensyang magtatakda ng polisiya sa online gambling, at plano umano niyang isama ang mga obispo ng Simbahang Katolika sa konsultasyon, kasunod ng matitinding pahayag ng simbahan laban dito.
Sinabi rin ng Malacañang na pag-aaralan pa ng Pangulo ang mga panawagang ipagbawal ito nang tuluyan. Gayunpaman, nagpahayag ng pagtutol ang mga lisensyadong online gaming operators ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na nagsabing baka lumipat lang ang mga manlalaro sa ilegal at
hindi kontroladong merkado kung sakaling magpatupad ng total ban.
Ang isyu ng online sugal ay hindi lang usapin ng personal na bisyo, kundi ng moralidad, integridad, at tiwala ng publiko sa kakayahan ng gobyerno. Kapag ang mismong tagapagpatupad ng batas at nagseserbisyo sa taumbayan ay nalululong dito, nabubura ang linya sa pagitan ng paglilingkod at walang malasakit o panloloko.
Marahil, ang pagbabawal sa online gambling para sa mga lingkod-bayan ay nararapat lamang subalit kailangang maging malinaw at walang aberya, hindi lang upang pigilan ang adiksyon kundi para rin maging ehemplo sila sa mga mamamayan. Dahil kung gusto nating maging disiplinado ang bayan, dapat magsimula ito sa mga opisyal o may katungkulan at nagseserbisyo sa publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments