Open Billing, nanalo sa Road to Triple Race
- BULGAR
- Mar 21, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 21, 2023
Ipinakita ni Open Billing ang kanyang tikas matapos nitong manalo sa 2023 PHILRACOM Road to Triple Crown Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Pumuwesto sa pang-anim sa largahan si Open Billing na ginabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA), Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema habang nagtatagisan ng bilis sa unahan sina top favorite Tell Bell at Going East.
Papasok ng huling kurbada ay malakas na isinigaw ng race caller ang Open Billing na rumeremate at nagbabadyang agawin ang unahan.
Pagsungaw ng rektahan ay nakakapit na sa unahan ang anak nina Top Billing at Open Slew na si Open Billing at sa huling 150 metro ng karera ay nakaungos na ang winning horse.
Tinawid ni Open Billing ang finish line ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Tell Bell.
Itinala ni Open Billing ang tiyempong 1:40.8 sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Benjamin Abalos Jr. ang P600,000 premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nabingwit ni Tell Bell ang second place prize na P225,000 habang tig-P125,000 at P50,000 ang third at 4th placers na Glamour Girle at Go Aydan Go ayon sa pagkakasunod.
Kinubra ng breeder ng winning horse ang P50,000 habang P30,000 at P20,000 ang ibinulsa ng second at third.
Samantala, pahinga muna si Open Billing at may ugong na inihahanda ito sa mas malaking karera.





Comments