Open Billing nagpahanga sa PHILRACOM Rating Based
- BULGAR
- Aug 14, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 14, 2023
Pinabilib ni Open Billing sa kanyang Boss na si Benjamin Abalos Jr. matapos nitong manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System noong Sabado ng hapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, inirehistro ni Open Billing ang tiyempong 1:24.8 minuto sa 1,400 meter race.
Dahil sa panalo, nasilo ng winning horse owner na si Abalos Jr. ang P10,000 added prize na inisponsoran ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) ni Reli de Leon.
Umarangkada sina Chocolate Thunder, Under Pressure at Winged Heart paglabas ng aparato habang nanood sa malayong pang-apat na puwesto si Open Billing.
Pagdating sa kalagitnaan ng karera ay sina Chocolate Thunder at Under Pressure ang naglutsahan sa unahan, tumutok na lang si Winged Heart at nanatili si Open Billing sa kanyang puwesto.
Pero pagsapit ng far turn ay kumakapit na si Open Billing at pagsungaw ng huling kurbada ay umagaw na ito ng unahan.
Tinawid ni Open Billing ang meta ng may apat na kabayong agwat sa pumangalawang si Winged Heart, tersero si Keep Da Trick at pumang-apat si Under Pressure na sinakyan ni Andreu Villegas.
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naman naging masaya ang mga karerista sa kanilang pananaya.





Comments