Only love raw niya… EMPOY, SOBRANG BROKENHEARTED KAY KAYE, 'DI NA NAG-ASAWA
- BULGAR
- Aug 21, 2023
- 1 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 21, 2023

Walang gustong maniwala na loveless at single ang komedyanteng si Empoy Marquez.
Posible raw na magaling lang itong magtago ng kanyang love life at ayaw mabunyag sa publiko ang kanyang pribadong buhay.
Kahit papaano ay stable na rin naman ang buhay ni Empoy. Naging masinop siya sa kanyang mga kinikita. May mga negosyo siyang naipundar at nabigyan ng magandang buhay ang kanyang ina.
At sabi nga ni Cristine Reyes, hindi naman mahirap mahalin si Empoy dahil napakamasayahin nitong tao kahit na off-cam ay tahimik at seryoso ang komedyante.
May paliwanag si Empoy kung bakit single siya at hindi na muling umibig pa. Nasaktan daw siya nang husto nang mabigo sa unang babaeng minahal niya. May sarili na raw pamilya ang kanyang “greatest love” at hindi na siya nagkaroon ng ibang karelasyon.
Marami ang nagsasabing ang aktres na si Kaye Abad ang TOTGA o the one that got away ni Empoy.
Sa mga unang interviews sa komedyante ay lagi niyang binabanggit ang aktres. Hindi nga lang siya naging masigasig sa panliligaw niya noon, kaya napunta si Kaye sa iba.
Well, may chemistry naman sina Empoy at Alessandra de Rossi, pero hindi sila na-link sa isa’t isa, ganu'n din si Cristine na kapareha ni Empoy ngayon sa Kidnap for Romance na showing na sa Sept. 6.
Good friends na lang ang turing ni Empoy sa kanyang mga unang leading ladies.




Comments