Online RFID reservation, oks kung ‘di magkakaproblema
- BULGAR

- Nov 10, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 10, 2020
Dagsa ang mga motoristang nagpapakabit ng Radio Frequency Identification (RFID) stickers.
Kaya ang ending, mahabang pila at oras-oras na paghihintay ang inaabot ng mga ito.
Gayunman, para iwas-abala dahil sa mahahabang pila, inilunsad ang easytrip na Online RFID Reservation and Appointment System (ORRAS) kung saan maaari nang mag-book online ang mga motoristang gumagamit ng expressway para sa advance RFID installation appointment.
Ang siste, kailangang i-scan ng costumer ang QR code para magpa-book ng appointment date at kung saan ang available installation sites para magparehistro.
Kung makatanggap na ng email na QR code confirmation para sa location, petsa at time slot, kailangang ipakita ang email confirmation sa itinakdang appointment date at installation site.
Inisyal na binuksan ng Easytrip Corporation para sa “online appointment only locations” sa Parañaque City, Las Piñas City, Pasay City, Taguig City, Bacoor City, Biñan City, Sta. Rosa City at Valenzuela City, partikular sa Cavitex Parañaque Plaza Northbound; Cavitex Parañaque Plaza Southbound; C5 South Link Westbound; CALAX Greenfield (Mamplasan); Shell Pamplona, Alabang-Zapote Rd., Las Piñas City; at Shell Panapaan, Bacoor City, Cavite (harapan ng Puregold Bacoor); Shell Real 2, Aguinaldo Highway, Imus City, Cavite (malapit sa Maynilad-Welcome patungong Imus Arch); at NLEX Drive and Dine, Canumay West, Valenzuela City.
Ayon sa Metro Tollways Pacific Corporation, madaragdagan pa ang mga online appointment-only locations at maaaring pumili ang motorista ng petsa at oras ng kanyang pagpapa-install para sa kanyang kaginhawaan.
Dahil online ang aplikasyon, tiyakin nating hindi magiging pahirapan ang pagkuha ng appointment dahil malamang, dadagsain din ‘yan ng mga motorista kaya, plis lang, ihanda ang solusyon sa ganitong problema.
Sa totoo lang, maganda ang layunin ng online appointment, ngunit mas maganda ito kung walang magiging aberya.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, paghandaan ang mga posibleng maging problema. Patunayan nating ginawa ito para iwas-abahala at hindi dagdag-problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments