top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Online gambling lords at kasabwat na bad vloggers, lagot

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 17, 2024
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 17, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAPAT SIBAKIN NI GEN. WANKY ANG 6 PD NA DEDMA SA UTOS NA LANSAGIN ANG SINDIKATONG STL-BOOKIES SA WESTERN VISAYAS -- Ipinag-utos na ni PNP-Region 6 Director, Brig. Gen. Jack Wanky ang paglansag sa sindikato ng STL-bookies nina alyas "Dindo," "Ted" at "Rodney" sa buong Western Visayas region, pero tuloy pa rin daw ang raket na ito sa mga lalawigan ng Aklan, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, Antique ay Guimaras.


Kung ganyan na dedma lang ang anim na provincial directors (PD) na sina Aklan PD Col. Victorinio Romanillos, Capiz PD Col. Jerome Afuyog, Iloilo PD Col. Bayani Razalan, Negros Occidental PD Col. Rainerio De Chavez, Antique PD Col. Lea Rose Pena, at Guimaras PD Col. Rhea Santos sa utos ni Gen. Wanky na lansagin ang STL-bookies syndicate sa kanilang mga jurisdiction, dapat yata ay sibakin na sila sa puwesto at palitan ng mga police officer na may kakayanang banggain ang illegal gambling syndicate ng tatlong gambling lords na ito, period!


XXX


ONLINE GAMBLING LORDS AT MGA KASABWAT NILANG VLOGGERS, LAGOT KAY NEWLY APPOINTED NBI DIRECTOR JAIME SANTIAGO -- Inanunsyo ni newly appointed National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na isa sa kanyang tutukan ay paglaban sa cybercrime syndicate dahil masyadong marami na ang mga scammer sa social media.


Kaya iyong mga online gambling lords at mga bayaran nilang vloggers na nagpu-promote sa social media ng mga online illegal gambling na nambibiktima sa mga netizens, lagot kayo dahil tiyak sa kalaboso ang bagsak niyo kasi hindi kayo sasantuhin ni NBI Director Santiago, abangan!


XXX


LANSAGIN ANG ONLINE GAMBLING SYNDICATE NG MGA ONLINE GAMBLING LORDS AT VLOGGERS -- Kilala sa social media ang mga vloggers na nanloloko sa kanilang mga followers na kesyo madali lang daw manalo sa pinu-promote nilang online gambling, napakaraming netizens ang nauubos ang pera sa GCash sa katataya dahil ang katotohanan ay lagi silang talo kasi wala namang nananalo sa anumang sugal. 


Kawawa ang mga netizens na nabibiktima sa illegal online gambling kaya dapat malansag na ang online gambling syndicates ng mga online gambling lords at mga bad na vloggers, period!


XXX


MAS MAINAM FOR MAYOR ANG TAKBUHAN NI EX-VP LENI PARA IWAS-ATAKE SA MGA FAKE NEWS VLOGGERS -- Ayon kay former Sen. Leila de Lima ay dalawa raw ang opsyon ni former Vice Pres. Leni Robredo at ito ay lumahok sa senatorial o mayoralty election sa Naga City.


Sana for Naga City mayor ang lahukan ni ex-VP Leni at huwag na sumali sa senatorial election kasi kapag for senator, siguradong puputaktihin na naman siya ng mga fake news ng mga bayarang vloggers, period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page