top of page

Online fixers nagkalat, OFWs ‘wag magpapaloko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 15, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 15, 2023


Noong nakaraang Lunes ay nagbigay tayo ng manifestation sa gitna ng deliberasyon ng FY 2024 budget ng Department of Migrant Workers (DMW) hinggil sa ginagawang pambibiktima ng mga fixer sa ating mga overseas Filipino workers (OFWs).


Nadiskubre kasi natin na sa rami ng mabibiktima ng mga manloloko ay mga OFW pa na wala nang inisip kundi ang suungin ang hirap at kung paano matatagalan ang pagiging homesick sa ibang bansa para lamang matustusan ang kani-kanilang pamilya tapos sasamantalahin lang ng mga oportunista online.


Mabuti nga at nadiskubre natin ang panlolokong ito ng mga fixer online dahil kung hindi ay tiyak na marami pang OFW ang mabibiktima dahil na rin sa kapabayaan at kakulangan ng tamang impormasyon.


Naglabas kasi ang DMW ng Mobile APP-para sa OFW Pass na kasalukuyang isinasagawa na ang pilot test run sa 10 bansa na kinabibilangan ng Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, Hong Kong, Malaysia, Qatar, Oman, Taiwan, Japan, at United Kingdom.


Ang DMW App ay isang makabagong solusyon na idinisensyo para sa mga OFWs, ito ay isang komprehensibong mobile platform para mapahusay ang paglalakbay sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang serbisyo gaya ng pagkuha ng OFW Pass.


Ang OFW Pass ay magsisilbing patunay bilang isang OFW at kinakailangang hakbang sa pagkuha ng Exit Clearance para sa OFWs na may aktibong kontrata. Bukod sa ‘tamper-proof’, isa rin sa ginhawang hatid ng digital identification na ito ay katiyakang magiging mas maayos ang pakikipag-ugnayan sa mga employer, ahensya ng pamahalaan at mga service provider. Magiging kapalit ito ng kasalukuyang OEC.


Ang pagkakaiba ng OEC ay kailangang pisikal na pumila upang makakuha nito, mayroon din itong 60 days na validity para magamit, kailangan ding magbayad ng P100 para sa pagproseso ng OEC at itinuturing itong Proof of OFW legitimacy.


Hindi tulad ng OFW Pass na puwedeng kunin online at QR-code generated, ang validity nito ay base sa haba ng kontrata ng isang OFW, higit sa lahat ay libre at proof of OFW legitimacy din ito ngunit may karagdagang mas madaling connectivity sa iba pang government apps.


Ibig sabihin, kahit may umiiral na panuntunan na dapat sundin ay tila may kahirapan at kalituhan sa panig ng mga OFW na nakita ng mga oportunistang fixer kaya nagkaroon sila ng ideya na pagkakitaan.


Dahil hindi naman lahat ng OFW ay basta-basta na lamang maloloko kaya nakatanggap tayo ng mga sumbong hinggil sa talamak na bentahan ng OFW Pass at nang minsan nating sinubukang makipag-usap sa mga fixer ay napatunayan nating totoo ang mga sumbong.


Maganda kasi ang layunin ng programang ito na pinangunahan pa noon ng namayapang si dating DMW Secretary Toots Ople na kailangang mag-isyu ng OEC para sa mga rehires o ‘Balik-Manggagawa’ ng walang bayad.


Maging ang tanggapan ng DMW mismo ay inuulan na rin ng reklamo kaya nga nakipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation Cybercrime Division at Department of Information and Communications Technology (DICT) para masakote ang mga nasa likod nito.


Sa isang banda ay binibigyang pansin din natin ang naging hakbang na ito ng DMW dahil sa kitang-kita naman ang napakabuti nilang hangarin na mapabilis ang serbisyo para sa kapakanan ng mga OFWs.


Ang problema lamang ay hindi nila napaghandaan na may butas pala ang kanilang pinaiiral na panuntunan at nagkaroon tuloy ng ideya ang mga masasamang loob online at pinagkakitaan pa ang ating mga OFWs.


Tutal nabulgar na ang problemang ito, sana lang ay pag-aralang mabuti ng DMW ang kanilang panuntunan, gawing mas simple at lawakan ang kamalayan hinggil dito para maiparating sa lahat ng OFW na ito ay walang bayad na serbisyo ng pamahalaan.


Sa panig naman ng NBI at ibang ahensya ng pamahalaan, hindi sana manatiling nakabinbin lang sa kani-kanilang tanggapan ang reklamo hinggil sa napakaraming OFW na naloko dahil dapat ay masugpo ang ganitong sistema sa lalong madaling panahon.


Kailangang may masampolan, kailangang may maipakita tayo sa publiko na may nasakote ang pamahalaan upang hindi na maulit pa ang mga ganitong panloloko at kung kailangang iharap sa media ay gawin natin.


Sampahan dapat ng kaukulang kaso ang sinumang masasakote na nambibiktima ng OFW online at kayang-kayang gawin ‘yan dahil talamak ngayon ang operasyon ng mga fixer online na ito.


Upang hindi maloko ang ating mga OFW ay mabuting diretsong magtungo sa www.dmw.gov.ph at basahing mabuti at sundin ang guidelines at mapapatunayang wala itong bayad.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page