Oks lang sa misis ng aktor… BIANCA AT ANAK, WALANG MINTIS ANG DALAW KAY VHONG
- BULGAR
- Nov 19, 2022
- 2 min read
ni Julie Bonifacio - @Winner | November 19, 2022

Walang mintis sa pagdalaw ang anak na si Isaiah na kilala rin bilang si Yce Navarro at ang kanyang inang si Bianca Lapus sa comedian-host na si Vhong Navarro sa detention center ng National Bureau of Investigation (NBI).
'Yan ang ini-reveal ni Bianca nu’ng makausap namin siya sa launch ng Miss Supermodel Philippines at pag-welcome sa kauna-unahang Pinay na tinanghal bilang Miss Supermodel Worldwide 2022 na si Alexandra Rosales.
Si Bianca ang marketing director ng Velvet Media na franchise holder ng Miss Supermodel Philippines headed by JJ Maghirang.
Medyo stressed daw si Bianca habang kausap namin dahil sa
mga latest na kaganapan sa kanyang pamilya.
“Si Yce ‘yung pinakainaalala ko sa mga anak ko ngayon. Kasi, very close kami. So, very vocal naman siya (that) he’s been really having mga ano… anxiety. It’s been a very stressful life lately,” simula ni Bianca.
Stressed din daw si Yce dahil sa kalagayan ng kanyang ama.
“Ang pinaka-lagi niyang nasasabi sa akin na ano, lalo na nu’ng mga nakaraan na hindi siya makatulog is parang… ang ganda ng kama niya, ng kuwarto niya, naka-aircon siya, ang lambot ng kama niya, ng unan niya na pinrovide ng tatay niya, samantalang ang tatay niya, alam niyang hindi komportable kung paano siya matulog ngayon.
“So, para sa akin, nu’ng narinig ko ‘yun, ‘di ba napakasakit? Masakit siyang isipin na oo nga naman, 'yung taong nag-provide sa ‘yo ng comfortable life, hindi siya komportable ngayon kung nasaan man siya.
“And, kami kasi talaga, very firm kami na naniniwala talaga kami na ang nagsasabi nang totoo, si Vhong,” diin ni Bianca.
Dasal ang unang-unang sandata raw nila sa pakikipaglaban para kay Vhong.
“Kasi alam naman namin na alam ng Diyos na wala siyang kasalanan. Hindi niya magagawa ‘yung ibinibintang sa kanya. At siya ang tunay na biktima sa mga pangyayaring ito.
“Uh, hindi ko alam kung bakit nangyayari ito sa kanya, pero naniniwala naman kami na may hope pa rin ang hustisya. Kailangan lang naming lumaban nang tama at malinis, ganyan.”
Sinabi ni Bianca na bago pa man matanggap ni Vhong ang subpoena sa kanya ay alam na nila na magkaka-warrant dahil sa mga bali-balita.
"Although nakakalito, nagdesisyon kami na ipaglaban si Vhong as one family.
“Ever since naman, ‘yun lagi ang sinasabi ko sa lahat ng interviews ko, we are with Vhong. Uh, we’re fighting everything as one family.
“As in meron kaming GC na nandoon si Tanya (Bautista-Navarro) at ako. Nandoon ‘yung mga bata.”
Si Bianca raw ang gumawa ng GC nila at doon sila nag-uusap-usap.
“Okey talaga kami ni Tanya ever since kasi naging maayos ang pag-uusap namin. ‘Oh, eto’ng role mo, eto ako,’ ganu'n. Sobra ang respeto namin sa isa’t isa.”
Pero kahit kasama si Bianca ni Yce tuwing nagpupunta kay Vhong, hindi raw siya pumapasok sa loob ng NBI para makita ang tatay ng anak.
“Ako talaga ‘yung tatanungin ako ni Yce, ‘Mom, are you coming?’ Hindi ko talaga kaya,” malungkot na sabi ni Bianca.




Comments