Oks din daw kung kambal… ARA AT MISTER, LALAKI ANG GUSTONG MAGING FIRST BABY
ni Julie Bonifacio @Winner | July 9, 2023

Na-hotseat si Ara Mina sa ginanap na mediacon last Friday when asked kung posible bang mag-guest sa bago niyang show sa NET25 na Magandang ARAw ang kanyang mga ex-boyfriends.
Tinanong kasi ni Ara ang kanyang mister na si Laguna Congressman Dave Almarinez na nakamasid lamang sa isang tabi during the mediacon tungkol sa possibility na mag-guest sa show ng bagong TV host ang kanyang mga ex-boyfriends.
After ng Q&A, inusisa pa more namin ang mag-asawa sa isyu ng mga ex-boyfriends ni Ara na aapir sa Magandang ARAw na magsisimula na sa Sabado (July 15), 3 to 4 PM sa NET25.
Parang tutol kasi si Dave na i-guest ni Ara ang kanyang mga “ex” sa bago niyang show.
Say ni Dave, “Hindi naman. Ang sabi ko, pag-uusapan namin. Hahaha!”
Maging si Ara ay napaisip din sa sinabi ni Dave na “pag-uusapan.”
“Pag-uusapan kung sino’ng ex. Hahaha! ‘Yun pala ‘yun siguro, ‘no? Naisip ko lang. Kasi pag-uusapan, eh. Bakit pag-uusapan? Puwede namang yes, ‘di ba? Ibig sabihin, depende pala sa ex,” sabi ni Ara sabay tawa.
Tahasan namang inamin ni Cong. Dave na wala naman siyang pinagseselosan sa mga ex-boyfriends ni Ara.
“Yes, confident ako na ako ang mahal niya,” diin ni Cong. Dave.
Hindi naman siya tutol na makasama ni Ara sa acting projects ang mga ex-BF nito tulad nina Polo Ravales at Jomari Yllana.
Napag-alaman din namin na isa pa lang sa mga ex-boyfriends ni Ara ang na-meet ni Cong. Dave.
“Si Patrick (Meneses) pa lang. Nagkita kami sa wedding namin ni Ara. (And) Patrick and I are very good friends,” paglilinaw ni Dave.
What about a project na sina Dave at Ara ang magkasama kesa sa ex ng Magandang ARAw host?
“Basta walang script, puwede ako. Pero tama na akong supporter ni Ara. May ginawa kami, nag-cameo role ako,” ngiti ni Dave.
Pero ayon kay Ara, plano ni Dave na mag-produce at mag-co-produce ng movie soon.
Then, we asked him again kung kailan siya magge-guest sa Magandang ARAw.
“Nasa sa kanya kung kailan. Pero siguro, unahin muna ‘yung mga priorities. Ako naman ay laging nand’yan lang,” tugon ni Cong. Dave.
During pandemic, kabilang sina Ara at Cong. Dave sa mga nagpakilig at nagbigay-pag-asa’t inspirasyon sa mga tao sa kabila ng pinagdaraanang hirap, hindi lang sa 'Pinas kundi maging sa buong mundo.
Paliwanag ni Ara, “Kaya nga, you know, pandemic is a blessing to me. Biro mo, may trabaho ako nu’ng pandemic. Maraming nawalan ng trabaho. Tapos, na-engaged ako. Tapos, ikinasal ako. Ang daming magandang nangyari sa akin noong pandemic.”
Dugtong ni Dave, “Sana nga, nakapag-inspire kami. Kung masaya kami, sana, marami rin kaming napasaya na buhay ng mga tao or na-inspire. Kasi hindi naman imposible sa lahat.”
Last June 30, isinelebreyt nina Ara at Dave ang kanilang second anniversary. And so far, wala pa raw silang matinding pinag-aawayan sa ngayon, puro petty quarrels lang.
Happy wife, may loving and super supportive husband at matagumpay na career si Ara.
Kaya tinanong namin siya kung ano sa tingin niya ang magandamg bagay na ginawa niya noon at deserve niya ang magandang buhay at matagumpay na career ngayon.
“Siguro, doon mo mare-realize na siguro, meron akong nagawang mabuti, maganda, kaya nare-receive ko ‘yung ganitong blessing. Ayun,” pahayag ni Ara.
Nabanggit din ni Ara sa Magandang ARAw mediacon na nag-usap na sila ni Cong. Dave kung kailan nila balak magkaroon ng anak.
“Actually, kapag nakabuo naman kami, almost one year din bago lumabas. So, nine months,” ani Cong. Dave.
Inamin naman nila sa amin that they’re working on now for their first baby.
“Oo,” sambit ni Cong. Dave. “'Pag ibinigay naman ng Diyos, eh, di tatanggapin namin happily.”
Sinang-ayunan naman ni Ara ang sinabi ng kanyang mister.
“Yes, oo. Nag-ano naman kami, we’re good naman. I’m giving myself by next year. Kasi ano, the clock is ticking,” pag-amin ni Ara.
Pareho namang wish ng mag-asawa na baby boy ang kanilang firstborn, pero okey din ang twins, basta healthy daw ang magiging baby nila.
Lastly, nilinaw ni Ara sa amin na nauna ang offer ng NET 25 sa kanya na maging host ng Magandang ARAw bago siya naging isa sa mga namamahala sa talent arm ng NET25, ang Star Center.
“Nauna ‘to. And then, habang nagmi-meeting ako with them, kasi matagal din ‘yung planning ng Star Center, and nakita rin naman ‘yung nephew ko, may potential, so, nagtiwala rin ako talaga na ikontrata nila ang aking nephew na si Nate Reyes,” sey pa ni Ara.
Siyanga pala, ang special guest sa pilot episode ng Magadang ARAw ay walang iba kundi ang Ultimate Heartthrob na si Piolo Pascual.





Comments