Okeke, Ross, Murray at Giannis, namayani
- BULGAR

- Feb 21, 2021
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 21, 2021

Humabol sa 4th quarter ang Orlando Magic upang mabigo ang Golden State Warriors, 124-120, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon mula sa Amway Arena. Unti-unting binawasan ng Magic ang 106-93 na lamang ng Warriors sa huling 9 na minuto para sa ika-12 panalo sa 30 laro.
Huling nakatikim ng lamang ang Golden State matapos ang buslo ni Stephen Curry palapit sa huling 2 minuto, 114-113, subalit sinagot ito ng dalawang tres nina Chuma Okeke at Terrence Ross at hindi na lumingon ang Orlando, 119-114. Naka- triple double si Nikola Vucevic na 30 puntos, habang may 28 puntos si Evan Fournier.
Umapoy sa 50 puntos buhat sa walong tres si Jamal Murray para maipanalo ang Denver Nuggets sa Cleveland Cavaliers, 120-103. Samantala, hindi nagpadaig si Joel Embiid at nagsumite rin ng 50 puntos sa 112-105 panalo ng Philadelphia 76ers sa Chicago Bulls at dagdagan ang kanilang lamang sa buong Eastern Conference.
Nagising ang Milwaukee Bucks at pinutol ang kanilang limang magkasunod na talo at iniligpit ang Oklahoma City Thunder, 98-85. Namuno sa Bucks si MVP Giannis Antetokounmpo na may 29 puntos.Tinunaw ng Phoenix Suns ang New Orleans Pelicans, 132-119, sa pangunguna ni Devin Booker na may 23 puntos. Pinatahimik ng Memphis Grizzlies ang Detroit Pistons, 109-95. Nagtala ng 29 puntos si Ja Morant.
Nakabawi ang Boston Celtics sa Atlanta Hawks, 121-109, sa likod ng 28 puntos ni Kemba Walker at 25 ni Jayson Tatum. Tinalo ng Hawks (12-17) ang Celtics (15-14) noong isang araw, 120-114.




Comments