OGIE, IPINAGSIGAWANG ‘DI SALUDO KAY CONG. ALFRED

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | February 20, 2021

Paborito talaga ni Mama Loi na pag-usapan nila ni Ogie Diaz sa YouTube channel nitong Ogie Diaz Showbiz Update si Congressman Alfred Vargas ng 5th District ng Quezon City. Si Mama Loi ay partner ni Ogie sa kanyang YT Channel.
Sa in-upload na vlog nitong Huwebes ay natanong ni Mama Loi si Ogie kung ano ang masasabi niya sa ginagawang pagsulong ni Cong. Alfred sa Kongreso na imbestigahan ang nangyaring piracy online sa nakaraang 2020 Metro Manila Film Festival.
May pelikulang kasama sa 2020 MMFF si Cong. Alfred, ang Tagpuan kasama sina Iza Calzado at Shaina Magdayao. Nakamit ng pelikula ang 2nd Best Picture at kamakailan ay nanalo naman itong Best Film sa ginanap na 6th Chauri Chaura International Film Festival sa Uttar Pradesh, India.
Ang sagot ni Ogie, “MMFF? Bakit na-pirate ba ‘yung pelikula niya? Ang alam kong na-pirate, ‘yung malalakas (maraming nanood sa online). Ang alam ko, kapag malakas ang pelikula, may tendency na ma-pirate.”
Hirit ni Mama Loi, “Malakas ba ‘yung pelikula niya? Napirata ba?”
Parehong hindi naman pala napanood nina Ogie at Mama Loi ang Tagpuan kaya hindi rin sila makasagot sa outcome nito.
Pero sang-ayon ang talent manager, host at vlogger sa pagsulong ni Cong. Alfred na imbestigahan ang piracy sa MMFF.
“Tama rin naman bilang isa siyang congressman na isulong niya kung meron silang bill o resolution na ipapasa kung paano masusugpo itong pamimirata,” pahayag ni Ogie.
Pero pahabol nito, “Pero hindi ka dapat magsisimula sa MMFF, dapat noon pa.”
“Sabagay, dapat, kahit wala pang pandemya, ‘no?” saad naman ni Mama Loi.
“Oo, wala pang pandemya, ang dami nang piracy. Dapat noon pa, hindi lang dahil sa MMFF dahil alam naman natin na iyon ang dapat na masugpo. Kasi may screen recording na ang telepono. Hindi naman nila puwedeng pagalitan ‘yung manufacturer ng telepono. Nasa tao ‘yun, kung gustong gumawa ng masama, eh, gagawa talaga ng masama, tapos ito ‘yung pamimirata na ibebenta ng P100 online,” paliwanag ni Ogie.
Dagdag pa nito, “Tama naman ang ginagawa ni Alfred, hindi ‘yung nag-abstain siya sa ABS-CBN (franchise). Kung nag-stand siya nu’ng naghahabol ng prangkisa ang ABS-CBN ay doon ko siya sasaluduhan.
“Hindi mo ba siya sinasaluduhan ngayon?” tanong ni Mama Loi.
“Hindi!” mabilis na sagot ni Ogie.
Marami pang nakakalokang sinabi si Ogie tungkol sa pag-abstain ni Cong. Alfred pero sa huli ay sinabi niyang suportado niya ito sa pagsulong nito sa online piracy.





Comments