OFWs, proteksyunan laban sa human trafficking
- BULGAR
- 12 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 27, 2025

Nakakabahala ang mga report patungkol sa mga kababayan nating naloloko at inaabuso sa ibang bansa. Mas lalo lamang pinagtitibay nito ang katotohanang hindi lahat ng nagtatrabaho abroad ay gumaganda ang buhay, at hindi rin lahat ng pangarap ay dapat basta isugal.
Kamakailan, dumating ang 24 Pilipino mula Cambodia matapos mailigtas sa kamay ng mga sindikatong sapilitang pinagtrabaho sila sa online scam hub.
Ang mga biktima ay sakay ng isang flight mula Phnom Penh International Airport, at pagkalapag nila noong Agosto 23 sa Ninoy Aquino International Airport, sinalubong at binigyan naman sila ng agarang tulong ng Bureau of Immigration (BI), Department of Migrant Workers (DMW), at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ayon sa mga biktima, naakit silang mag-apply bilang customer service representatives kapalit ng pangakong $1,500 na buwanang sahod. Pero pagdating sa Cambodia, tanging $300 lang ang natanggap nila at napilitang magtrabaho bilang love scammers, kung saan ito ay ginagamit sa catphishing para sa mga banyagang lalaki mula sa Europa.
Hindi lang ‘yun ang nangyari sa kanila. Dahil sa tuwing hindi na aabot ang quota, parusa ang sinasapit nila, mula sa squatting exercises hanggang sa pisikal at berbal na pang-aabuso.
May ilan pa na overseas Filipino worker (OFW) ang umano’y ibinenta sa ibang kumpanya, bagay na inilarawan nilang tila makabagong anyo ng pang-aalipusta. May isa ring pamilya na buong-buo nang umalis para umano’y magbakasyon sa Thailand, subalit nauwi rin sila sa scam hub sa Cambodia.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BI at IACAT laban sa mga recruiter at sindikato sa likod ng modus na ito.
Kadalasan, ginagamit na pain ang social media at messaging apps upang maakit ang mga naghahanap ng trabaho. Sa kasamaang-palad, dahil sa desperasyon, maraming nadadala ng matatamis na pangako. Kahit pa ilang ulit na binabalaan, hindi pa rin natatapos ang ganitong trahedya.
Ito ay malinaw na patunay ng kahinaan ng ating sistema laban sa human trafficking at kulang na proteksyon sa mga Pinoy na nangangarap mag-abroad.
Hindi lang ito simpleng kaso ng illegal recruitment, ito’y seryosong problema. Hangga’t wala pang maibigay na sapat at disenteng trabaho sa bansa, lagi’t laging may mga kababayan na maabuso para sa kanilang mga pangarap.
Ang gobyerno ay may malaking pananagutan na gawing prayoridad ang pagkakaroon ng magandang trabaho sa bansa at mas istriktong pagbabantay sa mga paliparan. Isang babala rin ito sa karamihan na hindi lahat ng oportunidad ay dapat tanggapin, lalo na kung kaduda-duda.
Ang labis at maling tiwala ay maaaring maging kapalit ng dignidad at kalayaan, at posibleng mauwi sa pang-aabuso.
Higit sa lahat, kailangang magsimula ang pagbabago sa loob ng bansa, lumikha ng hanapbuhay, palakasin ang proteksyon laban sa human trafficking, at ‘wag hayaan na laging ang mga Pinoy ay maging biktima ng global exploitation.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments