top of page
Search
  • BULGAR

Official calendar ng NBA In-Season nailabas na

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 20, 2023



Inilabas na ng NBA ang opisyal na kalendaryo para sa unang edisyon ng NBA In-Season Tournament o NBA Cup. Simula Nobyembre 4 hanggang 29, 2023 ay itatalaga ang piling laro tuwing Miyerkules at Sabado (petsa sa Pilipinas) para sa elimination round ng torneo na nagnanais magbigay ng sigla agad sa bagong taon ng liga.


Ibinahagi ang 30 koponan sa anim na pangkat na tig-lima at maglalaro sila ng single round o tig-apat na beses. Ang mga numero uno sa bawat pangkat at ang may pinakamataas na kartada mula sa Western at Eastern Conference sa mga magtatapos ng pangalawa ay tutuloy sa knockout playoffs simula Disyembre 5 at tutuldukan ng championship sa Disyembre 10 sa T-Mobile Arena ng Las Vegas.


Ang mga laro ay bibilangin din sa kinagawiang 82 laro bawat koponan. Ang dalawang magtatapat para sa kampeonato lang ang makakalaro ng 83 beses.


Gagawaran ng kanyang sariling Most Valuable Player at All-Tournament Team ang torneo. Maliban sa tropeo, mag-uuwi ng $500,000 (P28.362M) ang kampeon habang $200,000 (P11.345M) ang sa pangalawa.


East A: Philadelphia, Cleveland, Atlanta, Indiana at Detroit; East B: Milwaukee, New York, Miami, Washington at Charlotte; East C: Boston, Brooklyn, Toronto, Chicago at Orlando; West A: Memphis, Phoenix, LA Lakers, Utah at Portland; West B: Denver, LA Clippers, New Orleans, Dallas at Houston; West C: Sacramento, Golden State, Minnesota, Oklahoma City at San Antonio.


Ang torneo ay mahahalintulad sa WNBA Commissioner’s Cup na matagumpay na nagwakas kamakailan sa panggugulat ng bisitang New York Liberty sa paboritong Las Vegas Aces, 82-63, sa Michelob ULTRA Arena. Tinapos ng Las Vegas ng West ang elimination round na may 9-1 panalo-talo kumpara sa Liberty na 7-3 sa East para itakda ang winner-take-all championship sa tahanan ng Aces.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page