Ochoa, nakamit ang 2nd gold sa JJIF World C'Ship
- BULGAR
- Nov 5, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce / VA - @Sports | November 5, 2022

Matagumpay na ipinilipit ni Pinay Jiujitera Margarita “Meggie” Ochoa ang kanyang ikalawang World Championship matapos higitan ang mga pinakamahuhusay na katunggali sa buong mundo sa 2022 Jiu-Jitsu International Federation (JJIF) World Championship sa Jiu-Jitsu Arena sa Zayed Sports City sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Matapos ang apat na taong paghihintay, muling itinanghal na world champion ang 32-anyos na 2-time SEA Games champion nang dominahin ang apat na dekalibreng jiujitsu athletes kabilang ang paggiba muli kay Canadian Vicky Hoang Ni Ni sa iskor na 2-0 sa women’s under-48kgs category.
Unang naibulsa ng 2017 Asian Indoor Martial Arts Games gold medalist ang titulo noong 2018 nang talunin nito si Hoang sa mas mababang kategorya sa women’s under-45kgs division, kung saan matagumpay na napagwagian nitong Huwebes sa parehong kompetisyon ni Kimberly Anne Custodio.
Bago ito makatuntong ng championship round, nauna muna nitong pinatapik si Oana Lapu ng Romania sa bisa ng 14-0 sa round-of-16, habang sinunod talunin si Oleksandra Rusetska ng Ukraine sa bisa ng 9-0 sa quarterfinals, habang inilampaso si Abdulkareem Balqees ng host country United Arab Emirates sa 22-0.
Nito lang Hulyo ay naitaas ang ranggo nito sa black belt ni 10-time World champion at dating MMA fighter Andre’ “Deco” Galvao’ sa ATOS Jiujitsu headquarters sa San Diego, California sa U.S. kasunod ng pagsungkit ng gold medal sa National IBJJF Jiu-Jitsu Championships sa Las Vegas Convention Center, habang nitong Hunyo ay nakakuha ng silver medal finish ito sa IBJJF World Jiu-Jitsu Championships sa Long Beach, California at ang 2022 Pan American IBJJF Championship sa Silver Spur Arena sa Florida noong Abril bago ganapin ang 2021 SEAG sa Hanoi, Vietnam.








Comments