Suarez nakaabang sa rematch kay Navarrete
- BULGAR 
- 1 day ago
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | October 30, 2025

Maghihintay hanggang Pebrero ang kampo ni Olympian boxer at unbeaten Filipino challenger Charly “The Kings Warrior” Suarez kung maitutulak pa ang susunod na rematch fight kay Mexican champion Emanuel “El Vaquero” Navarrete.
Pinaka-aabangan ni Suarez kung mabibigyan ito ng tsansa ng Top Rank Promotions na matupad ang laban kasunod ng kautusan ng World Boxing Organization (WBO), Subalit sakaling walang mangyari ay maaaring mahubaran umano ng korona ang Mexican boxer matapos ipag-utos ng California State Athletic Commission (CSAC) na desisyunang “No Contest” para sa junior-lightweight title sa pagitan nila ni Navarette na naganap noong Mayo 10 sa Pechanga Arena sa San Diego, California.
Itinakda ang panibagong tapatan kasunod ng kontrobersyal na unang pataw na technical decision matapos magtamo ng cut ang Mexican boxer dulot umano ng accidental headbutt nang ipatigil ni referee Edward Collantes ang laban.
"Hintay lang kami hanggang Pebrero kung tuloy ang rematch kasi kung hindi mahuhubaran na siya ng title," pahayag ng head coach ni Suarez na si Delfin Boholst sa panayam ng BULGAR Sports sa ginanap na world title fight ni Pedro Taduran kontra Pinoy boxer Christian Balunan para sa International Boxing Federation (IBF) minimumweight title noong nagdaang Linggo ng gabi sa San Andres Sports Complex sa Malate, Maynila.
Nais namang magkaroon ng tune-up fight si Suarez na nananatiling nakatali sa rankings ng WBO, kung saan hawak pa rin ang No.1 contender. Inaalala ng kampo ng Pinoy boxer ang mawala ang hinahawakan nitong ranggo tulad ng naging karanasan sa ibang boxing organization, kung saan nawala ang rankings nito.








Comments