top of page

Obligasyon ng magulang na sustentuhan ang pag-aaral ng anak

  • BULGAR
  • Jul 15, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 15, 2022


Dear Chief Acosta,


Ako ay labing-siyam na taong gulang pa lamang. Wala pa akong trabaho sa kadahilanang ako ay nag-aaral pa lamang sa kolehiyo. Nais ko sanang humingi ng sustento o tulong mula sa aking ina para sa aking pag-aaral sapagkat hindi ko pa kayang bayaran ang mga gastusin. Gayunman, ang sabi ng isa sa aking mga pinsan ay hindi na diumano obligadong magbigay ng sustento o tulong ang aking ina sapagkat hindi na ako menor-de-edad. Tama ba ang aking pinsan? - Dian


Dear Dian,


Para sa iyong kaalaman, ang iyong suliranin ay tinatalakay ng Executive Order No. 209, s. 1987, o mas kilala bilang The Family Code of the Philippines. Nabanggit sa Section 24 ng nasabing batas na:


“Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family.


The education of the person entitled to be supported referred to in the preceding paragraph shall include his schooling or training for some profession, trade or vocation, even beyond the age of majority. Transportation shall include expenses in going to and from school, or to and from place of work. (290a)


Art. 195. Subject to the provisions of the succeeding articles, the following are obliged to support each other to the whole extent set forth in the preceding article: xxx


(3) Parents and their legitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter;

(4) Parents and their illegitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter; and xxx.” (Binigyang-diin)


Malinaw na nabanggit sa probisyon ng batas na obligado ang magulang na suportahan ang pag-aaral ng kanyang anak, lehitimo man o hindi, kahit pa hindi na ito menor-de-edad. Kasama ang pag-aaral para sa propesyon, kalakalan o bokasyon. Kabilang din ang gastusin sa pagpunta at pag-alis ng paaralan.


Nabanggit mo na wala ka pang trabaho dahil nag-aaral ka pa sa kolehiyo. Dahil dito, ipinagpapalagay namin na wala kang kapasidad na suportahan ang iyong sarili. Kung gayon nga, maaari ka pa ring humingi ng sustento sa iyong ina para matapos ang iyong pag-aaral, alinsunod sa mga nasabi sa itaas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


1 Comment


Ayyesha Bautista
Ayyesha Bautista
May 11, 2024

Paano po kung ayaw na pong akong suportahan ng aking mga magulang. Tulad niya po, ako po ay labing siyam na taong gulang pa lamang. Nag-aaral sa kolehiyo at walang permanente or part time job. Ano pong posibleng manyari sa akin at sa aking mga magulang kung gayon.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page