Obligasyon ng abogado at karapatan ng kliyente
- BULGAR
- Sep 18, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 18, 2022
Ang relasyon ng abogado at ng kanyang kliyente ay nakabase sa pagtitiwala ng kliyente sa kakayahan ng kanyang abogado na ipagtanggol at ipaglaban ang kanyang mga karapatan. Kinakailangang ang pagtitiwalang ito ay panatilihing buo at hindi masira ng abogado kahit pa ang kanyang serbisyo ay natapos na. Kapag tinanggap ng abogado ang kaso ng kanyang kliyente, marapat lamang na ipaglaban niya ito sa abot ng kanyang makakaya, nang naaayon sa sinasabi ng batas, at may buong kahusayan at ibayong pag-iingat nang sa ganun ay maipagtanggol niya ang kanyang kliyente. Gayundin, ang kaso ng kliyente ay hindi dapat tanggihan ng abogado dahilan lamang sa lahi, kasarian, paniniwala ng kliyente o kanyang sariling opinyon sa kinalaman nito sa kasong kinasasangkutan. (Rule 14.01, Canon 14 of the Code of Professional Responsibility).
Karapatan ng kliyente na mapanatiling sikreto nila ng kanyang abogado ang kanilang mga komunikasyon o bawat pinag-uusapan. (Rule 15.02, Canon 15, in relation to Canon 21, id.) Kaugnay nito kapag ang kliyente ay humingi ng payo sa abogado, karapatan niyang makakuha ng tapat at totoong payo tungkol sa kanyang problema. (Rule 15.05, Canon 15, id.)
Kapag ang abogado ay nakatanggap ng pera o ari-arian para sa kanyang kliyente, karapatan ng kliyente na mapangalagaan ang mga ito ng kanyang abogado ang mga nasabing pera o ari-arian. Kaugnay nito, responsibilidad ng abogado na magbigay ng kwentada o account para sa mga pera o ari-arian na natanggap niya mula at para sa kanyang kliyente, at ihiwalay ang mga ito mula sa kanyang sariling pondo. (Rule 16.01, 16.02, Canon 16, Id.) Kapag hiniling ng kliyente na ibigay sa kanya ang mga ito, responsibilidad ng abogado na ibigay ito sa kliyente. (Rule 16.03, Canon 16, Id.) Kapag hindi ibinigay ng abogado ang mga ito, may karapatan ang kliyente upang idemanda ang kanyang abogado para mabawi ang mga ito sa kanya.
Karapatan ng kliyente na hilingin sa kanyang abogado na ipagtanggol ang kanyang kaso nang may ibayong pag-iingat at husay. Hindi dapat humahawak ang abogado ng kaso nang walang preparasyon. (Rule 18.02, Canon 18, Id.) Kapag nagpabaya ang abogado sa kanyang kaso at nagbunga ito ng kapinsalaan sa kanyang kliyente, ang nasabing abogado ay mananagot sa kanyang kliyente. Subalit sa pagtatanggol ng abogado sa kaso ng kliyente, dapat malaman din ng kliyente na magagawa lamang ng abogado niya ang mga bagay na naaayon sa batas. Hindi dapat gumawa ang abogado ng labag sa batas para lamang ipagtanggol niya ang kanyang kliyente sapagkat labag ito sa sinumpaang tungkulin ng mga abogado.
Kapag humingi ang kliyente mula sa kanyang abogado ng impormasyon sa estado ng kanyang kaso, ang kanyang abogado ay kinakailangang makapagbigay ng nasabing hinihinging impormasyon sa lalong madaling panahon.
Sa relasyon ng abogado at kliyente, marapat na mayroong pagtitiwala sa kanilang pagitan sapagkat ito ang magiging malakas na pundasyon upang magawa ng bawat panig ang kanilang responsibilidad upang makamit ang ipinaglalabang hustisya.




Comments