top of page
Search
  • BULGAR

Obiena, top 3 sa World Athletics Ranking

ni MC / Gerard Arce - @Sports | July 30, 2022





Nagawang makapasok ni Asia's top pole vaulter EJ Obiena sa top 3 ng World Athletics Ranking kasunod ng kanyang bronze-medal finish sa nagdaang 2022 World Championships.


Base sa inilabas na ranking ng men's world pole vault noong Hulyo 26, pumapangatlo na ang Tokyo Olympian sa likod ni Armand Duplantis ang Sweden at ni Christopher Nilsen ng US nang makatipon ng iskor na 1,408 puntos.


Nalampasan niya si Rio Olympic gold medalist at training partner na si Thiago Braz.


Nakapagtala rin si Obiena ng bagong Asian record makaraang makasungkit ng bronze medal sa 2022 World Championships sa Eugene, Oregon noong Linggo.


Nalundag nang malinis ng 25-anyos na si Obiena ang 5.94 meters sa final ng event sa Hayward Field at wasakin ang dating record na 5.93 meters na kanyang naitala sa Innsbruck, Austria noong Setyembre 2021.


Siya ang unang Pinoy athlete na nagwagi ng medalya sa world championships. Target na ngayon ni Obiena ang 6 na metrong marka sa susunod na paglundag sa mga international competition.


Samantala, masusubukan ang mga collegiate league players maging ang 84th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) champions na National University Lady Bulldogs para sa national women’s volleyball team sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women mula Agosto 21-29 sa Philsports Arena sa Pasig City.


Pangungunahan ng 22-anyos na best libero ng 2022 UAAP champions na si Jennifer Nierva na napapabalitang kauna-unahang libero team captain ng national team.


Magiging ikalawang manlalarong Libero ang 5-foot-8 defensive specialist sa kasaysayan ng local volleyball matapos tanghaling unang kapitana si Dani Ravena ng Ateneo Lady Blue Eagles sa UAAP '84, kung saan nagtapos bilang third placer ang koponan matapos ilaglag ng De La Salle Green Archers.


Tatayong host ang Pilipinas na magiging ika-10 koponan, na orihinal na gaganapin noong 2020 ngunit naunsyami dahil sa pagkalat ng mapaminsalang COVID-19.


Pangunahing magiging kinatawan ng bansa para sa AVC ang mga premyadong manlalaro ng UAAP.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page