Obiena, naka-2nd gold sa Orlen Copernicus Cup
ni Gerard Arce - @Sports | February 24, 2022

Muling nakapagrehistro ng season-best 5.81 meters si Filipino Olympian pole vaulter Ernest John Obiena nang ibulsa ang ikalawang gintong medalya sa Orlen Copernicus Cup sa Torun, Poland.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakumpleto ng 26-anyos 2019 Asian Athletics Championship gold medalist ang 5.81-meters nang kunin ang parehong sukat ng talon sa Orlens Cup 2022 sa Lodz, Poland nito ring Pebrero para sa titulo.
Pumangalawa sa 2019 SEA Games champion si World No.22 Ben Broeders ng Germany sa 5.71-meters na kinumpleto ang talon sa isang beses lang, habang nakakuha rin ng 5.71-m si 2016 Rio Olympics gold medalist Thiago Braz ng Brazil sa ikalawang attempt.
Nasa 4th place si No.12 ranked Menno Vloon ng The Netherlands sa 5.71 m sanhi ng count back, No. 7 Piotr Lisek ng Poland sa 5.61m, na nakuha rin nina Ruther Koppelaar ng The Netherlands at Pawel Wojciechowski ng Poland sa count back para sa 6th at 7th place.
Naghahanda nang sumabak sa World Indoor Athletics Championships sa Belgrade simula Marso 18-20 ang dating UST student-athlete. Awtomatiko ring nakapasok sa 2022 World Championship simula Hulyo 15-24 sa Eugene, Oregon sa U.S. ang No.5 World ranked matapos makuha ang qualifying standard na 5.80-meters.
Noong 2019 sa parehong kompetisyon sa Orlen Cup ay winasak ni Obiena ang national record at maglista ng bagong personal best na 5.86-meter kasunod ang silver finish sa likod ni two-time world champion at 2016 Rio Olympics bronze medalist Sam Kendricks ng U.S. at bronze medal sa 2021 edisyon sa 5.80-m.





Comments