Obiena, gold sa Sweden, Gilas vs. New Zealand
ni MC - @Sports | June 30, 2022

Nagtala si EJ Obiena ng bago niyang season best nang magwagi sya ng gold medal sa Taby Stavhoppsgala na hinanap sa Sweden noong Martes.
Nagawang talunin ng Filipino pole vault sensation ang baras na itinaas sa 5.92 meters sa kanyang unang event matapos niyang maka-recover mula sa COVID-19.
Nauna rito, dalawang kompetisyon ang hindi nasalihan ni Obiena dahil sa health protocols na kinabibilangan ng Oslo Bislett Games sa Norway at Meeting de Paris sa France ngayong buwan.
Nalagpasan ni Obiena ang nauna nyang personal best na 5.85 meters na itinala nya sa Italy, kulang lamang ng .01 shy para mapantayan ang kanyang Asian record na 5.93 meters na kanyang ipinoste sa Austria noong Setyembre ng nakalipas na taon.
Pumangalawa sa kanya si 2016 Olympic gold medalist Thiago Braz ng Brazil na nakatalon ng 5.82 meters at pangatlo si Simen Guttormsen ng Norway na naka-clear naman ng bar sa taas na 5.72 meters.
Sunod na sasabak si Obiena sa Stockholm Diamond League bukas Biyernes sa Sweden pa rin.
Samantala, matapos dumating sa New Zealand, agad na naghanda ang Gilas Pilipinas sa epikong pakikipagsagupa kontra sa national team ng New Zealand na Tall Blacks para sa ikatlong window ng 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers ngayon.
Sa 11 mga manlalaro, target ng Philippine national team na ibangon ang sarili at makuha ang panalo kahit isa kontra sa Tall Blacks kapag sila ay maglaro ngayong Huwebes sa Eventfinda Stadium sa Auckland.
Pinangungunahan nina Dwight Ramos at Kiefer Ravena ang delegasyon kasama sina SJ Belangel, RJ Abarrientos, Dave Ildefonso, Carl Tamayo, Rhenz Abando, William Navarro, Lebron Lopez, Kevin Quiambao, at Geo Chiu.
Ito ang unang pagharap ni coach Nenad Vucinic kontra sa New Zealand, na kanyang pinangasiwaan mula 2006 hanggang 2014. Layunin ng Gilas na matalo ang Tall Blacks matapos matikman ang 88-63 na kabiguan noong Pebrero.





Comments