OA na sa pakikialam… HANDLER NI ALDEN, HINAHARANG ANG FANS NA GUSTONG LUMAPIT
- BULGAR
- May 18, 2023
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 18, 2023

Nagkausap na sina Nanay Cristy Fermin at Alden Richards, kaya pinangalanan na ng una ang handler ng aktor na dahilan kung bakit negatibo ang imahe ngayon ng Pambansang Bae.
Ito ang kuwento ng manunulat at host sa Showbiz Now Na vlog nila nina Wendell Alvarez at Romel Chika na in-upload sa kanilang YouTube channel nitong Martes nang hapon.
Matagal nang alam ni 'Nay Cristy ang pangalan ni Sam, pero hindi muna niya ito binanggit hangga't hindi sila nagkakausap ni Alden na abala sa shooting nila ni Julia Montes sa Singapore para sa pelikulang Five Break-Ups and a Romance mula sa panulat at direksiyon ni Irene Emma Villamor.
Ayon pa sa manunulat, ayaw niyang i-text o tawagan ang aktor para hindi ito maistorbo sa shooting, kaya't hinintay niyang makarating ng bansa si Alden para makapag-usap sila at hindi naman siya nabigo dahil kaagad itong tumawag sa kanya.
"Si Sam daw po ay handler niya at nagmamaneho rin para sa kanya. Kapag handler, alam po namin ang ibig sabihin niyan, dahil dati, maraming handlers na nagiging nega sa karera ng mga artista.
"Kapag may lumapit na tagahanga ay boblokehan (haharangin), haharangan, ilalayo ang artista para po sa ating mga kababayan, lalo na po sa mga humahanga sa mga paborito nilang artista.
Napakalaki pong sakit nu'n.
"Nandoon ka na nga para sumuporta, ilalayo pa sa 'yo 'yung paborito mo, natural ang nagiging nega, 'yung artista, hindi 'yung humaharang.
"Kaya rito po sa pagkakataong ito kay Alden, mabuti po na nilinaw niya. May importante siyang sinabi, 'Pero pinagsasabihan ko po si Sam.'
"Sige, granting na pinagsasabihan ng do's and don’ts kung makakasira ito. Hindi maganda ito, dapat din sigurong linawin ni Alden kung saan nagsisimula at nagwawakas ang trabaho ni Sam para sa kanya.
“Meron talagang mga tao na binigyan mo ng maliit na kapasidad na manghimasok sa buhay mo, pero lumalabis," mahabang pahayag ni 'Nay Cristy.
Dagdag pa niya, "Siguro raw po ay nami-misinterpret lang itong si Sam. Ang misinterpretation kasi sa isa, dalawa, ikatlong pagkakataon, pasable pa 'yan. Pero kapag marami na po talagang nagsasabi at nagrereklamo at tinutukoy ang 'pakikialam' nitong si Sam, merong mali sa kanila. At nagpapasalamat si Alden sa atin dahil napakalaking bagay daw na nandito tayo (SNN) para balansehin ang bawat issue."
Hirit naman ni Romel Chika, "Alam mo, 'Nay, mapapanood ito ni Alden at gagawa nang gagawa ng (paraan) sa 'yo kasi isang tawag lang niya, dahil madali kang maabot ni Alden."
Napag-usapan din si Tenten na unang kasa-kasama noon ni Alden nang nagsisimula pa lang siya na hindi na raw nakikitang kasama nito ngayon.
Sey daw ni Alden kay Nanay Cristy, "Nagpaalam at magpapahinga muna kasi alam naman nating nagkasakit. Kung maaari po, humingi naman ng pahintulot si Tenten na kung puwedeng siya muna ay makapagpahinga at iiwan na lang muna niya kay Sam 'yung trabaho bilang handler ni Alden."
At muling idiniin ni Alden na pinagsasabihan daw nito ang kanyang handler kung paano ito makitungo.
"Alam na siguro ngayon ni Sam na hindi siya si Alden Richards. Meron kasi minsan, may mga taong medyo sikat ang kanilang pinagseserbisyuhan, akala nila, sila na rin 'yun."
Bukas naman ang BULGAR sa panig nina Alden at Sam.





Comments