Numero-unong drug lord sa ‘Pinas, nakalabas ng bansa
- BULGAR
- Jun 28, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 28, 2021
NUMERO-UNONG DRUG LORD NG ‘PINAS, NAKAPUGA—Ibinunyag ni Interior Secretary Eduardo Año na posibleng wala na sa Pilipinas ang pinaghihinalaang drug lord na si Peter Lim, na nakaharap pa noon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Patunay ‘yan na totoo ang sinabi ng mga kritiko ni P-Duterte na bigo ang drug war kasi ang numero-unong drug lord sa bansa ay nakapuga na pala palabas ng bansa, boom!
◘◘◘
WALANG PUWANG KAY GEN. ELEAZAR ANG “MORO-MORONG NANLABAN” VERSION NG MGA PARAK—Nagkakaroon na ng linaw ang utos ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na imbestigasyon sa napabalitang “moro-morong panlalaban” daw nina Johndy Maglinte, 16-anyos at sa isa ang suspek na si Antonio Dalit kaya napatay sila ng mga parak sa drugs operation sa Laguna dahil may mga naglulutangang testitgo na hindi nanlaban ang dalawang drugs suspect.
Kaya’t sakaling mapatunayang may pagkakasala ang mga parak na sangkot dito ay tiyak may paglalagyan sila sa PNP chief.
Ang utos na imbestigasyon sa kasong ito ay patunay na walang puwang sa liderato ni Gen. Eleazar ang “moro-morong nanlaban” style ng mga pulis na basta-basta na lang pumapatay sa mga taong sangkot sa droga, period!
◘◘◘
WALANG NANANALO SA SUGAL KAYA DAPAT HUWAG PAYAGAN NG MGA MAYOR NA MAG-OPERATE SA KANILANG LUGAR ANG STL—Totoo ang kasabihan na “walang nananalo sa sugal”, kaya’t kung ayaw nina Taguig City Mayor Lino Cayetano, Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, Parañaque City Mayor Edwin Olivarez at Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar na mabiktima ng mga gambling lords ang kanilang mga kababayan ay huwag na nilang pahintulutang makapag-operate sa kanilang nasasakupan ang operasyon ng Small-Town Lottery o STL-con jueteng na nabalitang mag-o-operate na next week.
Kapag pinayagan nilang mag-operate ang STL-con jueteng sa kanilang mga jurisdiction ay parang nagbigay na rin sila ng go-signal sa mga gambling lords na raketin ang kanilang mga kababayan, boom!
◘◘◘
EX-CONG. NA TAGA-METRO MANILA, SA PANGASINAN NARARAKET—Isang dating kongresista umano sa Metro Manila ang nasa likod ng “Perya ng Bayan”-con jueteng operation nina “Fajardo” at “Chito” sa Pangasinan.
Mantakin n’yo, taga-Metro Manila pala ang ex-cong na ito na nasa likod ng “Perya ng Bayan”-con jueteng na nanraraket sa mga taga-Pangasinan, tapos si Gov, Amado Espino III ay “nganga” lang sa uri ng sugal, buwisit!





Comments