top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Nuggets vs Suns sa Semis, Young malakas sa Hawks

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 27, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 27, 2023



Pumukol ng 3-points si Trae Young na may 2.8 segundo sa orasan at itulak ang pumapalag na Atlanta Hawks kontra sa Boston Celtics, 119-117, sa NBA Playoffs kahapon sa TD Garden. Sa Western Conference, itinakda ng numero uno Denver Nuggets at Phoenix Suns ang kanilang tapatan sa semifinals matapos burahin ang kanilang mga hiwalay na kalaro sa Game Five.


Inantala ng Hawks ang pagpasok ng Boston sa Eastern Conference Semifinals subalit lamang pa rin ng 3-2 ang Celtics sa seryeng best-of-seven. Ipinasok ni Young ang 14 ng kanyang 38 puntos sa 4th quarter na may kasamang 13 assist.


Sumakay ang Phoenix sa matalas na shooting ni Devin Booker at pauwiin ang LA Clippers, 136-130. Ipinasok ni Booker ang 25 ng kanyang 47 puntos sa third quarter at sinigurado ng limang puntos ni Kevin Durant sa huling minuto ang resulta.


Triple double si Nikola Jokic na 28 puntos, 17 rebound at 12 assist kasama ang pandiin na free throw na may 2.5 segundong nalalabi para sa 112-109 lusot sa Minnesota Timberwolves. May pagkakataon ang Minnesota na pahabain pa ang kanilang kampanya subalit nagmintis ang tres ni Anthony Edwards.


Samantala, ginawaran ng NBA ang dalawang manlalaro na maaaring mapanood ng mga Pinoy sa parating na 2023 FIBA World Cup ngayong Agosto. Napiling KIA Rookie of the Year si Paolo Banchero ng Orlando Magic at Italya at KIA Most Improved Player Lauri Markkanen ng Utah Jazz at Finland.


Sa kanyang unang taon sa NBA, nagtala si Banchero ng 21.3 puntos at 7.3 rebound. Inangat ni Markkanen ang kanyang numero sa 25.6 puntos, 8.6 rebound at 1.9 assist at maglaro sa All-Star Game noong Pebrero kumpara sa 14.8 puntos, 5.7 rebound at 1.3 assist noong nakaraang taon noong bahagi siya ng Cleveland Cavaliers.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page