Nuggets sa West Finals, Celtics, hirit ng Game 7
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 13, 2023

Mga laro ngayong Sabado:
7:30 a.m. New York sa Miami
10:00 a.m. Golden State sa LA Lakers
Pasok na sa Western Conference Finals ang Denver Nuggets matapos ang 125-100 panalo sa Phoenix Suns kahapon sa Footprint Center. Sa East, nagising si Jayson Tatum sa fourth quarter upang itulak ang bisitang Boston Celtics sa 95-86 tagumpay sa Philadelphia 76ers at ipilit ang winner-take-all Game Seven.
Simula pa lang ay naglabas ng angas ang Nuggets at bumuhat ng puntos sa first quarter, 44-26, sa likod ng 17 puntos ni Kentavious Caldwell-Pope at 12 mula kay Nikola Jokic. Sa tindi ng shooting ng Nuggets at nagtala sila ng 81 puntos sa halftime pa lang laban sa 51 ng Suns.
Triple double muli si Jokic na 32 puntos, 10 rebound at 12 assist. Lumumbay ang shooting ni KCP ngunit nagtapos pa rin na may 21 puntos at nag-ambag ng 26 si Jamal Murray para tapusin ang serye, 4-2.
Tatlong puntos lang si Tatum sa unang tatlong quarter at kumapit ang 76ers sa 73-71 lamang. Iyan na ang hudyat para bumalik ang nakasanayang laro ni Tatum na bumanat ng 16 puntos kasama ang huling lima na nagbigay sa Boston ng 95-84 lamang at 37 segundo sa orasan.
Ang Game Seven ay gaganapin sa Lunes ng umaga sa TD Garden. Haharapin ng mananalo ang Miami Heat o New York Knicks sa East Finals.





Comments