Nuggets, nakasingit sa standings ng West, Nets humabol sa East
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 8, 2023

Mag-isa muli ang Denver Nuggets sa tuktok ng Western Conference matapos pulbusin ang Cleveland Cavaliers, 121-108, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Ball Arena.
Lumapit din sa liderato ng Eastern Conference ang naghahabol na Brooklyn Nets at bumalik sa panalo sa New Orleans Pelicans, 108-102.
Dikit ang laro hanggang humataw ang Nuggets sa second half sa likod nina MVP Nikola Jokic at mga reserba Bones Hyland at Bruce Brown at talagang hinanap ng Cavs ang lumiban na si Donovan Mitchell. Triple double si Jokic na 28 puntos habang 18 puntos si Jamal Murray upang umakyat ang Denver sa 26-13 at iwanan ang tabla sa nagpapahingang Memphis Grizzlies (25-13).
Lamang lang ng tatlo ang Nets, 101-98, at gumawa si Kyrie Irving ng 7 puntos sa last 2 minutes upang lumayo at magtapos na may 19 puntos. Nanguna sa Nets si Kevin Durant na may 33 puntos at 10 rebound at isang panalo na lang ang agwat ng Brooklyn (26-13) sa numero unong Boston Celtics (27-12).
Hindi nakasabay sa mga nanalo ang Milwaukee Bucks at ginulat sila ng kulelat na Charlotte Hornets, 138-109. Sa first quarter pa lang ay nagbagsak ng 51 puntos ang Hornets kasama ang 17 ni Terry Rozier na nagtapos na may kabuuang 39 puntos. Uminit para sa 11 three-points si Zach LaVine na susi ng 126-112 tagumpay ng Chicago Bulls sa Philadelphia 76ers na wala si Joel Embiid.
Samantala, bumalik sa aksiyon si LeBron James at gumawa ng 25 puntos at 10 assist upang hatakin ang Los Angeles Lakers sa 130-114 pagwagi sa Atlanta Hawks. Umangat si LBJ sa 37,928 puntos at 460 na lang ang kailangan upang lampasan si Kareem Abdul Jabbar para sa pinakamarami sa kasaysayan ng NBA.





Comments