Nuggets, inisahan agad ang Lakers sa West Semis
- BULGAR
- May 18, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 18, 2023

Laro ngayong Huwebes – TD Garden
8:30 AM Miami sa Boston
Nagawa ng Denver Nuggets ang hindi nagawa ng iba pang koponan ngayong taon at kunin ang Game One sa seryeng best-of-seven kontra bisita Los Angeles Lakers, 132-126, sa simula ng NBA Playoffs Western Conference Finals kahapon sa Ball Arena.
Mahalaga na naipagtanggol ng Nuggets ang kanilang tahanan at susubukan nilang gawin itong 2-0 sa Game 2 ngayong Biyernes.
Kahit lumobo sa 21 ang lamang ng Nuggets sa third quarter matapos ang three-points ni Nikola Jokic, 93-72, nagawang humabol ang Lakers hanggang naging tatlo na lang ito papasok sa last 2 minutes sa tres ni Austin Reaves, 124-127. Naglabas ng huling baraha si Jokic at ipinasok ang tatlong free throw sa nalalabing 26 segundo upang mapreserba ang tagumpay.
Lalong pinatibay ni Jokic ang kaso na siya ang dapat ibinotong MVP ngayong taon at nagsumite ng 34 puntos, 21 rebound at 14 assist habang 31 puntos si Jamal Murray.
Nanguna sa Lakers si Anthony Davis na may 40 puntos at 10 rebound.
Matatandaan na ginulat ng dehadong Lakers ang paboritong Sacramento Kings at Golden State Warriors sa simula ng kanilang mga serye. Nanatili silang walang talo paglipat ng laro sa Crypto.com Arena upang tapusin sa 4-2 ang parehong serye.
Samantala, tumama sa jackpot ang San Antonio Spurs sa 2023 NBA Draft Lottery sa pangatlong pagkakataon sa kanilang kasaysayan. Nasa Spurs ang karapatan na pumili ng una sa Rookie Draft na gaganapin sa Hunyo 23 (petsa sa Pilipinas) at napipisil na gagamitin nila ito kay Victor Wembanyama, isang 7’4” sentro galing Pransiya.





Comments