top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Nuggets champion sa West, first time Finalist, Jokic MVP

Writer: BULGAR
BULGAR
May 24, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2023



Laro ngayong Miyerkules – Kaseya Center

8:30 AM Boston vs. Miami


Aakyat ang NBA Finals sa unang pagkakataon sa malamig na bulubundukin ng Denver. Winalis ng bisitang Denver Nuggets ang Los Angeles Lakers, 113-111, upang maibulsa ang 2023 NBA Playoffs Western Conference Championship kahapon sa Crypto.com Arena at magtapos sa 4-0 ang seryeng best-of-seven.


Nagsumite muli ng triple double si Nikola Jokic na 30 puntos, 14 rebound at 13 assist. Walang duda na siya ang ibinoto ng media para sa Magic Johnson Trophy bilang Western Conference Finals MVP.


Nararapat lang na si Jokic ang nagpasok ng nagpapanalong buslo na winasak ang 111-111 tabla na may 51 segundong nalalabi. Mula roon ay nanaig ang kanilang depensa at pinalpal ni Aaron Gordon ang malapitang tira ni LeBron James na may isang segundo sa orasan upang maselyuhan ang kampeonato.


Hindi naging madali at kinailangang magtrabaho ng Denver matapos payagan na lumamang ang Lakers sa pagsara ng first half, 73-58. Pinangunahan ni Jokic ang paghabol sa kanyang 13 puntos sa third quarter at tuluyang naagaw ang lamang papasok sa huling quarter, 94-89.


Pitong manlalaro lang ang ginamit ni Coach Michael Malone at mahigit tig-40 minuto ang first five. Kahit walang three-points ay gumawa pa rin ng 25 puntos si Jamal Murray.


Bumuhos agad ng 31 ng kanyang 40 puntos si LBJ sa first half subalit hinanap ang kanyang opensa sa second half. Sumunod si Anthony Davis na may 21 puntos at 14 rebound.


Hihintayin na ng Nuggets ang makakalaro buhat sa Eastern Conference na Miami Heat o Boston Celtics. Lamang ang Heat sa serye, 3-0 at nasa posisyon na wakasin din ang serye ngayong araw sa Game Four sa Kaseya Center.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page