top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Nuggets at Bucks na ba ang maghaharap sa finals?

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 27, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 27, 2023




Madaling inilampaso ng Denver Nuggets ang bisitang Milwaukee Bucks, 129-106, sa tapatan ng mga numero uno ng Western at Eastern Conference kahapon sa Ball Arena.


Hawak ng Bucks ang 76-74 lamang na may pitong minuto na nalalabi sa third quarter at biglang humarurot ang Nuggets para sa 10 sunod-sunod na puntos, 84-76. Mula roon ay hindi na nakaporma ang Milwaukee at tila sumuko at pinaupo na sina Giannis Antetokounmpo, Jrue Holiday at Khris Middleton na may anim na minuto pa sa fourth quarter at lamang ang Denver, 111-91.


Ipinasok ni MVP Nikola Jokic ang 12 ng kanyang 31 puntos sa third quarter at may kasamang 11 assist habang 26 puntos mula sa limang tres si Jamal Murray. Nagtala rin ng 31 puntos si Giannis at kahit natalo ay numero uno pa rin sa NBA ang Milwaukee sa kartadang 53-21.


Nasa taas pa rin ng West ang Denver sa 50-24 at ito na ang ika-10 beses na mayroon silang 50 o higit na panalo sa kanilang 47 taon sa NBA subalit hindi pa napagwawagian ang tropeo. Ito na ang kanilang pinakamataas na kartada buhat noong tinapos nila ang 2019 sa 54-28.


Samantala, nanaig ang Brooklyn Nets sa Miami Heat, 129-100, sa likod ni Mikal Bridges na may 27 puntos. Dahil dito, nagpalitan ng puwesto ang Nets (40-34) at Heat (40-35) sa East sabay naantala ang pagpasok ng nagpapahingang Cleveland Cavaliers (47-28) sa Playoffs.


Sa ibang laro, tinambakan ng Phoenix Suns ang Philadelphia 76ers, 125-105. Bumaha ang puntos sa 143-130 tagumpay ng Atlanta Hawks sa Indiana Pacers habang dinurog ng New Orleans Pelicans ang LA Clippers, 131-110.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page