NTC dapat nang kumilos sa laganap na text scam
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 5, 2022
Ang hirap simulan ng artikulo nating ito dahil ang nais natin ay manatiling kalmado at nakatuon sa layuning huwag magpadala sa emosyon dahil sa sandamakmak na sa ating mga kababayan ang biktima ng kung anu-anong text scam.
Ang nakaaalarma ay tila wala nang kumikilos laban dito at napakatagal nang panahong namamayagpag ang masasamang loob na walang ibang ginawa kung hindi ang manloko para kumita gamit ang hindi naman totoong text messages.
Kaya pinadalhan na natin ng sulat ang National Telecommunications Commission (NTC) na humihiling na aksyunan ang patuloy na paglaganap ng spam at phishing text messages sa bansa.
Ang naturang scam text messages ay hindi na mapigil sa pagpasok sa mobile phone ng pribadong indibidwal na may kung anu-anong pakulo para lamang makapanloko at makatangay ng pera mula sa napakaraming biktima.
Ayaw naman nating sabihin na mabuti kung puro mayayaman lamang ang mabibiktima, dahil mas maraming mahihirap nating kababayan ang isusubo na lamang para sa kanilang anak ang hawak na panggastos ay matatangay pa ng mga walang pusong manloloko.
Grabe na ang paglaganap ng text scam at wala silang pinipiling panahon, umaga man o gabi ay nagpapadala ang mga manloloko ng kaakit-akit na text messages para biktimihan lamang ang mga kababayan nating dugo at pawis ang puhunan para kumita.
Matindi ang epekto ng scam na text messages dahil kapag sinagot ito ng ilang walang muwang na sindikato pala ang nasa likod nito ay nakukuha na pati ang mga personal na impormasyon, na kalauna'y ang pagkasimot ng pinaghirapang ipon ng indibidwal.
Ang nakapagtataka pa, ang mga sindikato na nagpapadala ng mga messages ay tila alam na alam ang pangalan at maraming detalye ng kanilang bibiktimahin at hindi natin alam kung paano nila nakukuha ang impormasyon.
Kaya nga personal nating pinadalhan ng sulat si Atty. Gamaliel Cordoba, NTC Commissioner kasi ang pakiramdam natin ay parang wala naman silang ginagawang positibong hakbang para masugpo ang napakatagal ng problemang ito.
Inilatag natin sa ipinadala nating sulat na ang Komisyon, telecommunications providers at iba pang ahensya ng pamahalaan ay nagsama-sama na para labanan ang problemang ito mula pa noong nakaraang taon, ngunit tila wala namang maayos na resulta. Nabatid na ang paglitaw ng mga kahina-hinalang text messages sa mga mobile phone ay karaniwang nag-aalok ng trabaho, pakinabang at iba pang maaaring pagkakitaan para maingganyo ang puntirya na labis ang pangangailangan bago pa tuluyang maging biktima.
Araw-araw ay may mga bagong biktima ang mga sindikatong ito sa text scam na imbes na matakot ay tila mas lalo pang lumalakas ang kanilang puwersa dahil sa naniniwala silang walang silbi ang NTC at iba pang ahensya ng pamahalaan para sugpuin ito.
Wala naman tayong ibang motibo kung hindi sapat ang kakayahan ng NTC para matigil ang text scam, pero sana naman kung hindi kaya ay bigyan man lang natin ng proteksiyon ang ating mga kababayan na huwag ng maging biktima pa.
Tulad na lamang ng mga nag-aalok ng pautang sa text messages, dahil sa labis na kagipitan ng indibidwal ay pikit-mata nilang kinakagat ang halos 80% tubo sa loob lamang ng isang linggo hanggang isang buwan at kapag hindi agad nabayaran ay sisirain nila sa social media ang pagkatao ng nangutang.
Hindi ba’t may isang ginang na dahil sa sobrang laki ng tubo ng inutang niyang P10,000 lamang ay mas pinili pa niyang magpatiwakal dahil sa hindi na niya makayanan ang sobrang pagyurak sa kanyang pagkatao sa social media ng kanyang mga inutangan.
Lantaran ang operasyon ng mga loan shark sa social media, ngunit pinanonood lamang ito ng NTC—gayung sila ang higit na may kapasidad para sugpuin na hindi na mailabas pa sa social media ang pag-aalok ng napakataas na tubo ng utang at kapag naantala ang pagbabayad kahit isang araw lang ay wawasakin na agad ang pagkatao ng nangutang.
Hanggang ngayon ay santambak pa rin ang iba’t ibang text messages na naglalaman ng kung anu-anong pakulo at kapag kinukunan naman ng pahayag ang pamunuan ng NTC ay tila kayang-kaya naman nila ang problema.
Alam nating may ginagawa namang hakbang ang NTC para masugpo ang mga text scam, iba pang anomalya, panloloko at raket na araw-araw nating natatanggap, ngunit ang tinatanong natin ay kung bakit tila hindi ito epektibo.
Sana naman ay mag-isip ng mas mabisang paraan ang mga taga-NTC para masugpo na ang kung anu-anong text scam o kaya ay palitan nila ang kanilang sistema at mag-isip ng iba pa.
Hindi natin sinasabing kung hindi ninyo kaya ang bilis ng utak ng mga masasamang loob ay kayo na ang palitan sa NTC — ang punto lang natin ay gawin n’yo naman ang trabaho ninyo ng may malasakit sa kapwa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments