NTC babala nang babala, puro babala, walang aksyon!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 7, 2022
Umabot na sa Senado ang alingawngaw ng napakaraming hinaing ng ating mga kababayan na biktima ng iba’t ibang klase ng text scam na lahat ay walang ibang pinupukpok kung hindi ang National Telecommunications Commission (NTC).
Kahit nga ang inyong lingkod ay santambak na reklamo na rin ang natatanggap kaya ang pinakamabilis na aksyon na ating magagawa ay padalhan ng sulat ang pamunuan ng NTC para matuldukan na sana ang hinaing ng mga kababayan nating naging biktima na.
Hindi na tayo nagpatumpik-tumpik pa at agad ay pinadalhan ng sulat ang NTC na humihiling na aksyunan ang patuloy na paglaganap ng spam at phishing text messages sa bansa.
Ilang taon na kasing nakararanas ng scam na text messages ang marami sa ating kababayan na natatangayan ng malaking halaga at nakakarating naman ito sa tanggapan ng NTC, ngunit wala silang solidong aksyon para wakasan na ang operasyon ng mga manloloko.
Binalikan natin ang mga naging hakbang ng NTC hinggil sa napakatagal ng reklamong ito at sa mahigit dalawang taon na dinaragsa sila ng sumbong ay palaging ipinapasa na lamang nilang ang responsabilidad para masabi lang na may ginawa silang aksyon.
Inilabas din natin sa pitak na ito nang padalhan ng sulat si Atty. Gamaliel Cordoba, NTC Commissioner upang matinag man lamang para tuldukan na ang laganap ng text scam sa bansa na karaniwang biktima ay mga kababayan nating mahihirap.
Ngunit tulad ng dati ay inatasan na naman ng NTC ang telcos na magpalaganap ng blast warning laban sa scam text messages para umano makapag-ingat ang mga subscribers na tukoy na ang mga pangalan.
Sa memorandum na may petsang Agosto 26 ay inatasan ng NTC ang mobile network service providers na DITO Telecommunity, Globe Telecom at Smart Communications na magsagawa ng text blast sa kani-kanilang subscribers mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6, 2022.
Ito ang nilalaman ng text blast “BABALA. HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN NA NAG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM.”
Halos ganito rin ang nilalaman ng inilabas na kautusan ng NTC noong mga nagdaang buwan, palaging ipinapasa na lamang ng NTC sa telcos ang pagresolba sa napakatalagal ng pamamayagpag ng mga manloloko sa text.
Makatutulong din naman kahit paano ang mga text blast na tulad nito, ngunit ang mga paalalang tulad nito ay ginagawa na rin ng iba’t ibang programa sa radyo at telebisyon para makapag-ingat ang publiko ngunit ang kailangan nating aksyon ay tuluyan nang matigil ang text scam na ito.
Inatasan din ng NTC ang telcos na i-block ang mga SIM cards ng mga mapatutunayang ginagamit sa text scam at binibigyan din sila ng hanggang Septyembre 9 na magsumite ng written reports ng kanilang pagtugon sa kautusan ng NTC.
Nais din ng NTC na ang kanilangopisyales tulad ng directors at officer-in-charge na magtungo sa mga istasyon ng radyo at telebisyon upang makatulong sa pagbibigay ng babala na makapag-ingat ang publiko.
Ngunit ayon sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP), wala umanong pag-asang matigil ang text scam na ito hangga’t hindi nakarehistro ang lahat ng SIM card sa bansa dahil naglipana pa rin ang prepaid card na ginagamit ng mga scammers.
Minsan na kasing nagsama-sama ang NTC, telecommunications providers at iba pang ahensya ng pamahalaan para labanan ang problemang ito mula pa noong nakaraang taon, ngunit hanggang ngayon ay pawang kabiguan lamang ang ating natatamasa.
Tila hindi sapat ang kakayahan ng mga nagsama-samang ahensya kumpara sa mga makabagong estilo na naiisip ng mga scammer na siyang responsable sa paglitaw ng mga kahina-hinalang text messages sa mga mobile phone.
Karaniwan ay nag-aalok ang mga ito ng trabaho, pakinabang at iba pang maaaring pagkakitaan para maengganyo ang isang puntirya na kahit alam ng binibiktima na may mga scammer na ay naloloko pa rin dahil sa makabagong atake ng mga salarin.
Habang binabasa natin ang panulat kong ito ay patuloy pa rin ang mga text scam na imbes na matakot ay tila mas lalo pang lumalakas ang kanilang puwersa dahil sa naniniwala silang walang silbi ang NTC at iba pang ahensya ng pamahalaan para sugpuin ito.
Ilang taon na kasing paulit-ulit na lamang ang NTC na sa halip na gumawa ng tamang hakbang para masugpo ang text scam ay palagi na lamang babala ang kanilang ibinibigay na solusyon para makapag-ingat ang publiko.
Ibig sabihin, wala talaga silang magagawa na masugpo ang text scam maliban sa magbigay ng babala at pag-ingatin ang publiko para hindi mabiktima dahil kung meron ay matagal na nila itong ginawa.
Sana lang ay tanggapin ng NTC na isang malaking hamon ang problemang ito at sila mismo ang magbigay ng solusyon at huwag nilang basta ipinapasa sa iba para palabasin lang na may ginawa silang aksiyon tulad ng karaniwan nilang ginagawa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments