NORA, AMINADONG MARAMING PAGKUKULANG SA MGA ANAK
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | February 23, 2023

Inamin ni Superstar Nora Aunor na hindi niya inakalang sasama ang loob ni Matet de Leon nang maglabas siya ng gourmet tuyo na kapareho nga ng negosyo ng anak.
As we all know ay nagkaayos na rin naman ang mag-ina matapos ngang magalit si Matet nang kumpitensiyahin ni Ate Guy ang gourmet tuyo business niya.
Sa guesting ng Superstar sa Fast Talk with Boy Abunda ay isa ito sa mga napag-usapan nila since hindi pa rin naman natin naririnig ang side ni Ate Guy tungkol dito.
“'Yun naman kasi, hindi kami nagka… Siguro, may pinagdaraanan din ‘yung anak ko at hindi ko rin naman alam na may pinagdaraanan siya.
“Ang sa akin, nagkaroon ako ng ano na, ‘Halika, maggawa tayo ng tuyo,’ ganyan-ganyan. Na hindi ko alam na ikakasama ng loob niya. So, ‘yun, nagkaroon ng sama ng loob. Pero katulad ng sinabi ko kanina, importante ‘yung nag-uusap,” ang paliwanag ni Ate Guy.
“Okay kami ngayon, dinadalaw ako ng mga anak ko. Si Ian (de Leon), kararating nga lang pala ni Ian galing ng Japan, shooting. 'Pag Sunday, pinapasyalan nila ako, lahat silang pamilya,” dagdag ng premyadong aktres.
Nabanggit din niya na okay din sila ng panganay na anak na si Lotlot de Leon.
“Si Lotlot, lately nagkikita kami at pinuntahan din niya ako,” aniya.
Sa naturang panayam ay inamin din ng Superstar na marami talaga siyang pagkukulang sa kanyang mga anak.
“May mga pagkakataon na siyempre, alam ng tao na hindi ko kasama ‘yung mga bata. Siyempre, nami-miss ko rin naman sila.
“Meron kaming mga hindi pagkakaintindihan na sabi ko nga sa 'yo, hindi ko naman itinatago.
Pero ang importante roon, 'yung nagkakausap kayo, nagkakaunawaan. Kung ano 'yung pagkukulang ng mga anak, magbibigay ang ina.
“Kahit ano pa man ‘yun, sabi nga nila, nanay ka. Dapat, ipakita mo sa mga anak mo kung ano talaga ang tama.
“So, may mga pagkukulang. Marami akong pagkukulang sa mga anak ko. Pero ‘pagka nagkikita naman kami, nasasabi ko 'yung mga sama ng loob ko sa kanila, pinag-uusapan namin kung ano ‘yung dapat gawin. Nakikinig naman sila. Ang importante ru’n, nagkakausap kami,” mahabang pahayag ni Nora.
Nabanggit din ni Ate Guy na gusto niyang makasamang muli sa isang pelikula ang kanyang pamilya.





Comments