top of page
Search
BULGAR

Non-stop ang kapalpakan ng Cebu Pacific, dapat nang tanggalan ng prangkisa!!!

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | November 9, 2023


TODO NA ANG KAPALPAKAN NG CEBU PACIFIC, DAPAT NANG TANGGALAN NG PRANGKISA! – Hindi na mabilang ang kapalpakan ng operasyon ng Cebu Pacific Airlines na pag-aari ng pamilya Gokongwei at ang latest na kapalpakan ay ‘yung biyaheng Singapore-Manila.


Grabeng perhuwisyo ang idinulot nila sa mga pasaherong umaasang makakabiyahe pauwi sa Pilipinas. Saan ka nakakita ng airline na 6 na minuto bago ang flight ay biglang kakanselahin?!


Ang masaklap, hindi naman nila sinagot ang mga gastos ng mga naabalang pasahero.


Hindi na nga nakauwi sa tamang oras, napagastos pa! Dahil nga biglang binago ang schedule ng flight, may pasaherong napilitang gumastos ng $800 para sa hotel, transpo at pagkain. Napaka-unprofessional, walang katulad sa kapalpakan sa lahat ng airline sa buong mundo. Hindi na naisip ang kapakanan ng mga pasahero.


Kung ganyan din lamang na hindi na titino ang operasyon ng Cebu Pacific Airlines, mainam na suportahan na ng mga kongresista at senador ang panukala ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na inihain niya sa Kongreso noong June 26, 2023 ang House Resolution 1101 “unsatisfactory service to the public”, na suspendihin na ang prangkisa ng airlines company na ito o mas mabuti, tuluyan nang huwag bigyan ng prangkisa, boom!

◘◘◘


IBANG PULITIKO BALIMBING, SI SEN. IMEE HINDI -- Matapos batikusin at kalabanin ng mga ex-pro-Duterte congressmen si ex-P-Duterte ay nanindigan si Sen. Imee Marcos na suportado pa rin niya ang dating pangulo.


Sana all ng pulitiko ay tulad ni Sen. Imee Marcos na hindi balimbing.


Ang iba kasing pulitiko na pro-Duterte noon ay nagsipag-anti-Duterte na porke wala na sa power ang dating presidente, boom!

◘◘◘


MALABONG MAMUNO SI EX-P-DUTERTE NG KUDETA KASI MATANDA NA SIYA -- May umugong na kudeta laban sa administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), at isa si ex-P-Duterte sa “mina-marites” na pasimuno, at dahil dito, agad itinanggi ng dating presidente na siya ang “utak” ng kudeta.


Sa totoo lang, imposible naman na magawa pa ni ex-P-Duterte ang mamuno sa isang kudeta, kasi matanda na siya, at halos hindi na nga makalakad kung walang tungkod, period!


◘◘◘


SANA BATIKUSIN ULI NI CONG. MARCOLETA ANG MGA ILLEGAL GAMBLING SA BAGUIO CITY PARA MATIGIL NA ANG RAKET NG MGA ILEGALISTA SA LUNGSOD -- Matapos na batikusin noon ni Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta ang mga illegal gambling sa Baguio City, ay agad ipina-stop ni Baguio City chief of police Col. Glenn Lonogan ang operasyon ng mga mini-casino nina alyas "Patrick" at "Pol" at mga color games nina alyas "Nestor," "Toy Uy," "Andy," "Jim," "Edna" at "Ponso" sa Brgy. Kayang Hill Top, Brgy. Malcon Square, Brgy. R. Monument, Brgy. Magsaysay at Brgy. Dampa, pero ngayon ay balik na naman daw ang operasyon.


Dapat yata batikusin uli ni Cong. Marcoleta ang mga illegal gambling sa Baguio City para ipa-stop uli ni Col. Lonogan ang mga ganitong raket ng mga ilegalista sa Baguio City, boom!


0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page