top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

No to VIP vaccinations

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 26, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 26, 2021



Patuloy na dumarating ang mga bakuna sa ating bansa. Noong Miyerkules, sinalubong natin ang dagdag 400,000 doses ng Sinovac na donasyon mula China at inaasahan nating may isang milyong doses naman na darating sa susunod na linggo na binili ng ating gobyerno.


Magtiwala tayo sa gobyerno at suportahan ang National Vaccine Roadmap. Huwag tayong matakot sa bakuna, matakot tayo sa COVID-19 dahil ito ang nakamamatay at bakuna ang susi at solusyon sa sakit na ito.


Siguraduhin din nating makararating ang bakuna sa ating frontline health workers dahil sila ang prayoridad na dapat mabakunahan bago ang lahat. Pero paano natin matatapos bakunahan ang mga frontliners kung may mga sumisingit sa priority list?


Huwag nating unahan ang health workers sa bakuna dahil ang pagbabakuna sa kanila ang tanging paraan upang masigurong hindi bumagsak ang ating health care system.


Sundin natin ang vaccination priority list. Huwag natin hayaan ang mga nagpapaka-VIP dahil lahat tayo pare-parehas na naghihintay mabakunahan.


Kamakailan, nakarating sa akin na nagkakaroon ng pabor-pabor kapag nakarating na ang mga bakuna sa mga LGUs. Doon nakalulusot ang mga pa-VIPs. Hindi ito katanggap-tanggap. Hindi tayo magdadalawang-isip na magsalita at hindi natin ipagtatanggol ang mali.


Kaya sa ating privilege speech sa Senado noong Miyerkules, sinabihan natin ang National Task Force na maging transparent sa kanilang vaccine rollout. Full disclosure dapat. Kung sinunod ng ating mga opisyal ang order of priority at walang pabor-pabor na nangyari, wala kayong dapat ikatakot.


Pero kung mapatunayan ang mga balitang mayroong nanlalamang, nangunguna o nananamantala ng prebilehiyong hindi naman dapat kanila at hinayaan itong mangyari ng mga dapat magsigurong maayos ang ating vaccine rollout, kailangang may managot.


Sa mga nagpapaka-VIP d'yan, alalahanin n'yo na nagpapakamatay ang ating mga doktor, nurses at health workers para isalba ang buhay ng ating mga kababayang nagkakasakit. Ang frontliners ang pinaka may kailangan ng proteksiyon at sandata laban sa sakit para magampanan nila ang tungkulin nila. Kung aagawan n'yo sila ng bakuna, para niyo na ring inagawan ng buhay ang kapwa ninyong Pilipino.


Huwag kayong mag-alala dahil pagkatapos mabakunahan ang 1.7 million frontliners, isusunod ang mga senior citizens at iba pang vulnerable sectors, hanggang marating natin ang herd immunity at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.


Habang patuloy ang pagbabakuna sa bansa, tuluy-tuloy din ang pagtulong natin sa ating mga kababayang naghihirap. Mula March 20 hanggang March 25, nag-abot tayo ng tulong sa mga nasalanta ng sunog sa iba’t ibang panig ng bansa. Tinulungan natin ang 517 na pamilyang nasunugan sa Brgy. Samala-Marquez, Kawit, Cavite; tatlong pamilya sa Sta. Cruz, Manila, 98 pamilya sa Davao City; at 411 na pamilya naman mula sa Zamboanga City.


Daan-daang kababayan din natin na nasalanta ng mga nakaraang bagyo ay tinulungan ng aking opisina. Nag-abot tayo ng tulong sa 256 na biktima ni Typhoon Auring sa Tubod at 465 naman sa Gigaquit, sa probinsya ng Surigao del Norte.


Maliban d'yan, nagbigay din tayo ng tulong sa mga kababayan nating apektado ang hanapbuhay dahil sa pandemya. Namigay tayo ng assistance sa 650 market vendors sa Quezon, Bukidnon; at 465 market vendors sa Kidapawan City, North Cotabato.


Nagbigay din tayo ng tulong sa 1,090 TODA members sa Tanauan, Leyte; 1,065 TODA members mula sa Tacloban City, Leyte; 224 na indigents mula sa Imus City, Cavite; 52 na pamilya sa Borongan City, Eastern Samar na apektado ng armed conflict; at 300 na katao na mula sa grupo ng kababaihan sa Cebu City. Halos 3,200 mula sa mga vulnerable sectors sa Pandi, Bulacan ang inabutan din natin ng tulong nitong linggo.


Sa lahat ng mga aktibidad na ito, siniguro natin na lahat ng mga itinakdang health and safety protocols ay estriktong ipinatupad upang maiwasan ang hawahan ng sakit. Hiwa-hiwalay ang naging venues ng pamimigay ng ayuda upang masigurong walang kumpulan ng mga tao. Nag-deploy din tayo ng mga personahe, katuwang ng mga lokal na awtoridad, upang masigurong nasusunod ang mga protocols na ito sa lahat ng oras.


Huwag ipagkait sa mga kababayan natin ang anumang tulong na puwede natin maibigay sa kanila. Tungkulin nating ibigay ang nararapat na serbisyo sa kanila lalo na sa panahon ng krisis. Magtulungan tayo at magbayanihan para masigurong walang maiiwan tungo sa ating muling pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page