‘No return, no exchange’ sa produkto
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 6, 2022
Dear Chief Acosta,
Bumili ako ng charging cable sa stall sa Greenhills. Pag-uwi ko ay ginamit ko ito upang i-charge ang aking cellphone. Sa kasamaang-palad, hindi nadadagdagan ang baterya ng aking cellphone. Kinabukasan ay bumalik ako sa binilihan ko nito upang ipapalit ang depektibong charging cable na aking nabili, ngunit sinabihan ako ng nagbebenta sa stall na mayroon silang “no return, no exchange” policy at walang warranty.
Ito raw ay nakalagay sa kanilang resibo. Sinabi rin niya na wala naman daw depekto ang produktong aking nabili dahil sealed ito noong kinuha ko. Nang dahil dito, hindi nila tinanggap ang depektibong charging cable. Tama ba ang ibinigay sa aking impormasyon ng nagbebenta? - Jeng
Dear Jeng,
Hindi tama ang sinabi ng nagbenta sa inyo na hindi ninyo maaaring ipapalit ang depektibong charging cable na inyong nabili. Sa pagbebenta ng produkto ay may napapaloob na implied warranty na ang ibig sabihin ay ginagarantiya ng taong nagbenta ng produkto na walang nakatagong sira o depekto ang produkto na kanyang ibinenta. (Article 1547, Civil Code of the Philippines) Kung may nakatagong sira o depekto ang produkto ay may pananagutan ang nagbenta nito sa taong kanyang pinagbentahan, kahit pa hindi alam ng nagbenta ang tungkol sa sira o depekto. (Article 1566, Civil Code of the Philippines) Ayon sa DTI Department Administrative Order No. 2, S. 1993, ang pananagutan ng taong nagbenta sa depektibong produkto:
“Rule III. Minimum Standards of Warranties
Section 1. Minimum Standards for Warranties – For the warrantor of a consumer product to meet the minimum standards for warranty, he shall:
1.1 Remedy such consumer product within a reasonable time and without charge in case of a defect, malfunction or failure to conform to such written warranty;
1.2 Permit the consumer to elect whether to ask for a refund or replacement without charge of such product or part, as the case may be, where after a reasonable number of attempts to remedy the defect or malfunction, the product continues to have the defect or malfunction.”
Sinasabi sa batas na ang nagbebenta ng produkto na may nakatagong sira o depekto ay may pananagutan na ayusin ito o pipiliin ang nakabili kung gusto niyang makakuha ng refund o replacement ng kanyang nabili. Samakatuwid, mali ang sinabi ng nagbebenta sa inyo ng charging cable na walang warranty ang depektibong charging cable.
Nakasaad din dito na kinakailangan lamang i-presenta ng mamimili ang warranty card o hindi kaya ay ang resibo kasama ang depektibong produkto upang hilingin na isauli ang kanyang bayad o hindi kaya ay palitan ang depektibong produkto. (Chapter III, Rule V, Section 1 of DTI Department Administrative Order No. 2, S. 1993)
Bukod dito, inyo ring nabanggit na mayroong nakalagay na “no return, no exchange” sa resibo na ibinigay sa inyo. Nakasaad sa Chapter 1, Rule 2, Section 7 ng DTI Department Administrative Order No. 2, S. 1993, na:
“Section 7. Prohibition on the Use of the Words “No Return, No Exchange” – The words “No return, no exchange,” or words to such effect shall not be written into the contract of sale, receipt in sales transaction, in any document evidencing such sale or anywhere in a store or business establishment.”
Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga katagang “no return, no exchange” sa mga resibo. Hindi rin ito maaaring ipaskil sa tindahan o establisimyento na nagbebenta ng mga bagong produkto.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments