top of page

No. 1 ang Magic sa standings, Knicks at Celtics, nakabawi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 31, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 31, 2020





Nag-iisa na sa tuktok ng standings ang Orlando Magic ng 2020-2021 National Basketball Association (NBA) matapos umarangkada sa kanilang ika-apat na sunod na tagumpay Miyerkules ng umaga laban sa Oklahoma City Thunder, 118-107, sa Chesapeake Energy Arena. Kuminang ang laro nina Dwayne Bacon, Terrence Ross at Nikola Vucevic sa 4th quarter upang siguraduhin ang panalo sa gitna ng mga banta ng Thunder.


Nanguna para sa Magic si Vucevic na may 28 puntos habang ipinasok ni Bacon ang walo sa kanyang 18 puntos sa 4th quarter. Hinawakan ng Magic ang lamang simula sa jump ball at hindi nila binitiwan ito.


Humugot ng inspirasyon ang mga bisitang Boston Celtics at New York Knicks upang bahiran ng unang talo ang kanilang mga kalaro at bigyan ng kaunting tulong ang Magic na umangat. Tinalo ng Celtics ang Indiana Pacers, 116-111, habang ginulat ng Knicks ang Cleveland Cavaliers, 95-86, sa kanilang mga tahanan.


Bumawi ang Celtics mula sa pagkalugmok sa 17 puntos sa 3rd quarter, 71-88, sa likod ng mainit na kamay ni Jayson Tatum. Nagtapos si Tatum na may 27 puntos at 11 rebound sinundan siya ni Jaylen Brown na may 20 puntos para sa kartadang 2-2 panalo-talo.


Nagtala ng bihirang triple double si Julius Randle na 28 puntos, 12 rebound at 11 assist para sa Knicks habang may 17 puntos at 7 rebound si Reggie Bullock.


Nagsanib-puwersa ang mag-bayaw na Stephen Curry at Damion Lee upang ipasok ang huling 13 puntos ng Golden State Warriors sa kanilang 116-106 tagumpay sa walang panalong Detroit Pistons na napilitang maglaro na wala si Blake Griffin sa second half matapos masiko ng malakas sa ulo. Nagpasabog ng 31 puntos si Curry at nag-ambag ng 27 si Andrew Wiggins para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.


Patuloy na kinakarga ni Joel Embiid ang Philadelphia 76ers para sa 100-93 pagwagi sa Toronto Raptors. Halimaw si Embiid sa 29 puntos at 16 rebound at tinulungan siya ni Tobias Harris na may 26 puntos at 11 rebound.


Pinalamig ng Milwaukee Bucks ang Miami Heat, 144-97, para sa kanilang unang panalo sa tatlong laban. Namuno sa tambakan sina Khris Middleton na may 25 puntos at Jrue Holiday na may 24 habang 9 na puntos lang si MVP Giannis Antetokounmpo.


Sumama rin sa parada ng mga matagumpay ang Chicago Bulls matapos padapain ang Washington Wizards, 115-107. Bumida para sa Bulls sina Zach LaVine na may 23 puntos at Coby White na may 18 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page