Night differential para sa gov’t. workers, oks!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 09, 2022
Sa wakas ay tapos na ang pananaghili ng mga government workers dahil ang matagal na nilang inaasam-asam na night differential pay ay magkakaroon na ng katuparan makaraan ang ilang panahon nating pakikipagtalastasan sa Senado.
Sa dinami-rami ng dinadaluhan nating pagpupulong sa maraming lugar at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay madalas na ibinubulong sa atin ng mga empleyado na sobra sila sa trabaho, ngunit kulang sa suweldo.
Wala naman sanang problema kung lahat ng manggagawa sa bansa ay pare-pareho ang sitwasyon, kaya lamang ay masyadong agrabyado ang mga government workers kaya marami ang nakikiusap na kung maaari ay ihalintulad na lamang ito sa tinatamasa ng mga manggagawa sa pribadong sektor alinsunod sa ilalim ng Labor Code.
Ang ganitong hinaing mismo ang nagtulak sa atin para isulong na magkaroon ng night differential pay ang mga empleyado sa pamahalaan na dumaranas din ng parehong paghihirap, ngunit hindi nabibigyan ng karampatang kompensasyon ang kanilang pagpupuyat.
Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang inyong lingkod mismo ang naging principal author at sponsor ng Senate Bill 643 o ang Act Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees, including those in Government-Owned and -Controlled Corporations (GOCCs).
Kaya tuwang-tuwa tayo para sa panig ng mga manggagawa sa pamahalaan dahil kapwa niratipikahan na noong Miyerkules ng Senado at ng House of Representatives ang Bicameral Conference Committee Report hinggil sa hindi magkasundong probisyon ng Senate Bill No. 643 at House Bill No. 9458.
Sa ilalim ng naturang batas, ang pamahalaan at GOCC employees, kahit anuman ang uri ng trabaho ay kabilang sa mga tatanggap ng night differential pay sa antas na hindi lalagpas sa 20% ng kanilang suweldo kada oras na idedetermina ng pamunuan ng kanilang ahensiya.
Ibig sabihin, sa pinal na bersiyon ng ng naturang batas, ang mga empleyado ng pamahalaan na nasa plantilya mula Division Chief pababa o katumbas nito, kabilang ang mga nasa government-owned and controlled corporations, maging permanente, contractual, temporary o casual ay kailangang bayaran ng night differential.
Ang night shift base sa batas ay magsisimula ng alas-6: 00 ng gabi hanggang alas-6: 00 ng umaga kinabukasan at pangunahing ibibigay ang kanilang night differential pay kumpara sa iba pang benepisyo at allowances na kasalukuyang ibinibigay sa manggagawa ng pamahalaan.
Ang naturang batas ay inamyendahan din ang Republic Act No. 7305 o ang Magna Carta of Public Health Workers na nagbibigay sa public health workers ng 10% lang, ng kanilang regular wage bilang kabayaran sa kanilang night shift differential.
Kaya buong-buo ang ating pag-asa na sa pamamagitan ng batas na ito ay mabibigyan natin ng karampatang banepisyo ang ating mga lingkod-bayan, kasama na ang mga public health care workers na matagal nang dumaraing.
Dahil dito ay taos-pusong pasasalamat ang ating ipinaaabot sa House panel sa pangunguna ni Representative Eric Go sa pagtugon sa bersiyon ng Senado at pakikiisa sa ating panukala na kapaki-pakinabang, maging sa hanay ng medical frontliners mula sa public health care system na karapat-dapat lang sa karagdagang benepisyong ito.
Hindi sakop ng batas ang mga empleyado ng pamahalaan na babagsak ang kanilang schedule office hours sa pagitan ng alas-6: 00 ng umaga hanggang alas-6: 00 ng hapon maliban na lamang kung lumagpas na sa regular work hour schedule ay kailangan nang bayaran ng overtime base sa umiiral na batas.
Hindi rin sakop ang mga government worker na nagtatrabaho ‘on call’ o nakaalerto anumang oras loob ng isang araw na bahagi na talaga ng kanilang trabaho o sinumpaang tungkulin tulad ng mga kaanib ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang din sa hindi sakop ng naturang batas ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang kahalintulad ang sitwasyon na posibleng matukoy ng Civil Service Commission (CSC) at nga Department of Budget and Management (DBM).
Sa ngayon ay lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ating hinihintay at ganap nang maipatutupad ang pangarap at hiling ng mga empleyado ng pamahalaan na night differential pay na matagal din nating pinagsikapan bilang halal na opisyal!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments