top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Nick Rimando, pasok sa the 25 Greatest ng MLS

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 11, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 11, 2020





Bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-25 na taon, inilabas ng Major League Soccer (MLS) ang listahan ng kanilang “The 25 Greatest presented by AT&T”. Kasama sa natatanging listahan ang may lahing Pinoy na si goalkeeper Nick Rimando na nakilala para sa 20 taong paglalaro sa liga para sa Miami Fusion, DC United at Real Salt Lake.


Sa tangkad na 5’9”, maliit si Rimando kumpara sa karaniwang mga goalkeeper subalit siya ay naging isang pader at hindi malusutan ng bola. Dalawang beses siyang nagtagumpay sa MLS Cup noong 2004 para sa DC at 2009 sa RSL kung saan itinanghal siya bilang Finals Most Valuable Player.


Siya rin ang may hawak ng MLS record para sa pinakamaraming laro (514), panalo (223), clean sheet kung saan walang goal ang kalaban (154) at saves (1,701). Pinamalas ni Rimando ang kanyang kakaibang husay sa pagtigil sa mga penalty kick gamit ang liksi at bilis ng pag-iisip.


Naglaro din si Rimando ng matagal para sa pambansang koponan ng Estados Unidos mula 2002 hanggang 2018. Dahil dito, hindi na siya maaaring maglaro para sa Philippine Azkals.


Si Nicholas Paul Rimando ay ipinanganak sa California noong Hunyo 17, 1979 sa isang Filipinong ama at Mexicanang ina. Naglaro siya ng dalawang taon sa University of California-Los Angeles (UCLA) bago umakyat bilang propesyonal noong 2000.


Kasama rin sa listahan si David Beckham, Landon Donovan at Robbie Keane na minsan ay dumalaw sa Pilipinas kasama ang LA Galaxy noong 2011 upang harapin at talunin ang Azkals, 6-1, sa Rizal Memorial Stadium. Binubuo ang listahan nina forwards Clint Dempsey, Sebastian Giovinco, Josef Martinez, Jaime Moreno, Chris Wondolowski at Bradley Wright-Phillips, midfielders Kyle Beckerman, Dwayne de Rosario, Marco Etcheverry, Cobi Jones, Preki, Steve Ralston, Carlos Valderrama at Diego Valeri, defenders Jeff Agoos, Carlos Bocanegra, Robin Fraser, Chad Marshall at Eddie Pope at goalkeepers Kevin Hartman at Tony Meola.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page