Ngayong pasukan, mga guro, dapat pokus lang sa pagtuturo
- BULGAR
- Jun 17
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 12, 2025

Opisyal nang nagbukas ang School Year 2025-2026 at milyung-milyong mga mag-aaral ang muling nagbabalik sa ating mga pampublikong paaralan. Hindi magiging posible ang matagumpay na pagbubukas ng panibagong school year kung wala ang ating mga guro, pati na rin ang ating mga non-teaching staff at mga school heads. Kaya naman sa pagkakataong ito, nais ko silang pasalamatan at bigyang pugay.
Ngayong school year, patuloy nating isinasagawa ang mga sinimulang reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Unti-unti ang pagpapatupad ng MATATAG curriculum. Sa school year na ito, uumpisahan ang bagong curriculum sa Grades 2, 3, 5, at 8. Nakatakda ring gawin ngayong school year 2025-2026 ang pilot rollout ng Strengthened Senior High School (SHS) Program sa mahigit 800 na mga paaralan sa bansa.
Sa gitna ng pagpapatupad ng mga repormang ito, nais kong bigyang-diin na kailangan ng ating mga guro ang patuloy na suporta upang magampanan nila nang mas mabuti ang kanilang tungkulin: ang matiyak na natututo ang ating mga mag-aaral. Isa sa mga hakbang na maaari nating gawin ay ang pagtiyak na hindi napapagod ang ating mga guro sa paggawa ng mga non-teaching tasks at focus sila sa pagtuturo.
Matatandaan na inilabas ng Department of Education (DepEd) ang DepEd Order No. 002 s. 2024, kung saan ipinagbawal na ang pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa mga guro. Ibinaba rin ng kagawaran ang DepEd Order No. 005 s. 2024, kung saan nilinaw ang saklaw ng workload na ibinibigay sa mga guro.
Ngunit ayon sa mga pag-aaral, marami pa ring mga guro ang naglalaan ng oras sa mga non-teaching tasks. Kung babalikan natin ang pag-aaral na ginawa ng Second Congressional Commission (EDCOM II) on Education at IDinsight, lumalabas na humigit-kumulang 52 oras pa rin ang karaniwang inilalaan ng mga guro para sa kanilang mga tungkulin.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na isa sa apat na guro ang nagsabing inaabot sa 60 oras ang inilalaan nila para sa kanilang trabaho, lalo na’t ginagampanan din nila ang karagdagang tungkulin, tulad ng pagiging school clinician, librarian, at canteen managers dahil sa kakulangan ng mga kawani.
May ilang mga hakbang tayong maaaring gawin upang matulungan ang mga guro. Kung matatandaan natin, nakatakdang mag-hire ang DepEd ng 10,000 non-teaching staff. Mahalagang masiguro nating mapapabilis ang hiring process upang mapunan agad ang mga nilikhang posisyon. Sa ganitong paraan, matitiyak nating may mga kawani na tayong gagawa sa mga non-teaching tasks.
Mahalaga ring palawakin natin ang paggamit sa digital technology upang mas mapadali at maging magaan ang trabaho ng mga guro. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang digital transformation ng DepEd upang matulungan hindi lamang ang mga mag-aaral kundi pati na rin ang ating mga guro.
Tuluy-tuloy din nating isusulong ang Revised Magna Carta for Public School Teachers, kung saan iminumungkahi nating maisabatas na ang polisiyang nagbabawal sa pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa mga guro. Patuloy nating pagsisikapang itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
תגובות