Ngayong Children’s Month, krisis sa edukasyon, tuldukan
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 6, 2025

Sa ating mga kababayan, lalo na sa ating mga kabataan, Happy National Children’s Month sa inyong lahat! Sa ating pakikiisa sa pagdiriwang ng National Children’s Month, patuloy nating isinusulong ang mga hakbang upang masugpo ang krisis na kinakaharap ng ating bansa pagdating sa edukasyon.
Sa pagsugpo natin sa krisis sa edukasyon, mahalaga ang pagbibigay sa mga kabataan ng matatag na pundasyon. Kabilang dito ang kanilang kalusugan, pati na rin ang pagkamit ng functional literacy o ang kakayahang bumasa, sumulat, umunawa, at mag-compute.
Ngunit nakakabahala ang pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kung saan lumalabas na dumoble sa 24.8 milyon ang bilang ng mga functionally illiterate nating mga kababayan sa nagdaang 30 taon. Pinuna rin ng EDCOM sa Year Two Report nito na ang pangkaraniwang mag-aaral ay natatapos ng Grade 3 nang hindi nakakamit ang literacy at numeracy. Para sa inyong lingkod, hindi natin masusugpo ang krisis sa edukasyon, hangga’t milyun-milyon sa ating mga kababayan ang nananatiling functionally illiterate.
Sa ating mga paaralan, inaasahan na natin ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028). Layon ng programang ito na makamit ang learning recovery at tulungan ang ating mga mag-aaral na nahuhuli sa Reading, Mathematics, at Science. Sa ganitong paraan, matitiyak nating lubos na natututunan ng ating mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang aralin at pagsasanay para sa kanilang baitang.
Ngunit hindi lamang sa loob ng ating mga paaralan, dapat ipatupad ang mga hakbang para mapatatag ang pundasyon ng ating mga mag-aaral. Mahalaga rin ang papel ng ating mga komunidad. Inihain ng inyong lingkod ang National Literacy Council Act (Senate Bill No. 628), kung saan isinusulong natin ang mas aktibong pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa pag-angat ng literacy sa bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ang mga probinsya, mga lungsod, at munisipalidad ang magsisilbing de facto local literacy councils na magiging responsable sa pag-angat ng literacy sa kanilang mga nasasakupan.
Meron na rin tayong batas upang palawakin ang access sa mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD) para sa mga batang wala pang limang taon gulang, bagay na inaasahang magpapatatag lalo sa kanilang pundasyon. Sa ilalim ng Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199), ang mga LGU rin ang magpapatupad at maghahatid ng mga programa at serbisyo para sa ECCD, kabilang ang pagpapatayo ng mga child development centers (CDC).
Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, muling naninindigan ang inyong lingkod na bibigyan nating prayoridad ang edukasyon at kapakanan ng mga kabataan sa ilalim ng 2026 national budget.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments