Ngayong 2026, tuloy ang suporta para sa alternative learning system
- BULGAR
- 2 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 8, 2026

Mas pinabilis na pagpapatayo ng mas maraming mga silid-aralan, mas pinalawak na School-Based Feeding Program, at kumpletong mga aklat para sa ating mga mag-aaral. Ilan lamang ito sa mga pagsisikapan nating makamit gamit ang makasaysayang P1.3 trilyong pondong inilaan natin para sektor ng edukasyon ngayong 2026. Maliban sa mga malinaw na prayoridad na ito, tiniyak din nating magpapatuloy ang suporta sa mga mag-aaral natin sa Alternative Learning System (ALS).
Kung ating babalikan, binibigyan ng ALS ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon ang mga mag-aaral nating hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Sa ilalim ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510) na iniakda at isinulong ng inyong lingkod, pinatatag at ginawa nating institutionalized ang ALS upang palawakin ang mga oportunidad para sa tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples.
Ang mga out-of-school children in special cases ay mga kabataang nasa tamang gulang para pumasok sa paaralan ngunit hindi makapag-aral dahil sa iba’t ibang mga hadlang sa kanilang patuloy na edukasyon. Kabilang sa mga maituturing na out-of-school children in special cases ang mga learners with disabilities o mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga mag-aaral na nasa gitna ng sakuna, at iba pang mga mag-aaral mula sa mga marginalized sectors. Layunin ng ALS na mabigyan ang mga mag-aaral na ito ng basic at functional literacy at mabigyan ng pagkakataon na matapos nila ang basic education.
Isa rin sa mga mandato ng batas ang pagpapatayo ng hindi bababa sa isang ALS Community Learning Center (CLC) sa bawat lungsod at munisipalidad. Bilang pagtupad sa mandatong ito, naglaan ang 2026 budget ng P56 milyon para sa pagpapatayo ng mga ALS CLC. Bibigyang prayoridad natin ang mga lugar kung saan maraming mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mga mag-aaral na hindi nakapagtapos o kaya naman ay walang functional literacy.
May P4.9 bilyon ding nakalaan para sa flexible learning options upang suportahan ang pagpapatupad ng ALS, ng alternative delivery modes o ibang paraan ng pagtuturo, at ang mga inisyatibo ng Department of Education para sa Education in Emergencies o edukasyon sa gitna ng mga sakuna.
Para sa taong 2026, layon nating umabot sa 639,872 ang bilang ng mga mag-aaral na naka-enroll sa ALS. Bagama’t may nakalaang pondo para sa ALS at sa mga mag-aaral nito, mahalagang tiyakin din natin na magagastos ang mga ito nang maayos at ayon sa batas. Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy nating tututukan ang pagpapatupad ng 2026 budget upang matiyak na bawat sentimo ng buwis na kanilang ibinabayad ay pakikinabangan din nila.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




