top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Never-say-die sa South China Sea

BULGAR
Apr 1, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 1, 2022


May kasabihan na ‘Pag may tiyaga, may nilaga' – marahil ay ito na lamang ang isa sa puwede nating panghawakan sa ngayon upang hindi humantong sa mas malalang sitwasyon ang ginagawang pambu-bully sa atin ng China.


Paulit-ulit ang mga pangyayari na ang teritoryo nating karagatan ay palaging sinasakop ng China, kung hindi paparadahan ng santambak na barko ay bubugahan ng tubig ang ating mga mangingisda at marami pang iba.


Natural na maging reaksiyon ng ating mga kababayan ang masaktan hinggil dito kaya nakapagbibigay sila ng kung anu-anong komento sa social media na dala ng mataas na emosyon ay tila nais na ng ilan nating kababayan na gumawa na ng marahas.


Nakadagdag pa ang panahong ito ng kampanya na maraming nais magbigay ng komento hinggil sa pangyayari ang hindi man lamang nag-isip ng kahihinatnan kung makabubuti ba o makasasama sa ating bansa ang kanilang mga pahayag.


Nauunawaan natin ang galit na nararamdaman ng marami nating kababayan ngunit maging halimbawa sana ang naging resulta ng hidwaan ng Russia at Ukraine na ngayon ay apektado ang buong mundo kabilang na ang hindi maawat na pagtaas ng presyo ng petrolyo.


Maliwanag naman sa atin na noong taong 2016, ang International tribunal ng Hague ay pumanig sa Pilipinas para sa maritime dispute at napatunayang ang China ay walang basehan para angkinin ang historic rights ng malaking bahagi ng South China Sea.


Inakusahan pa ng China ang tribunal na ‘professional incompetence’ at ‘questionable integrity’ kasabay nang pag-boycott nila sa proceedings at pinanindigang sila ang may karapatan sa pinag-aagawang teritoryo ng karagatan.


Ngunit dahil sa naging desisyon ng tribunal na panalo ang Pilipinas ay umani naman tayo ng maraming simpatya mula sa iba’t ibang bansa ngunit ang simpatyang ‘yan ay nananatiling simpatya pa rin hanggang sa kasalukuyan.


Dahil d'yan ay heto na naman tayo, muli na namang nagsampa ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa Chinese Coast Guard vessel dahil sa muli namang paggiri ng kanilang barko sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.


Alam ba n'yo na mahigit sa 200 diplomatic protests na ang naisampa laban sa China dahil sa patuloy nilang pagpabalik-balik sa nabanggit na bahagi ng karagatan at umaastang kanila talaga ang bahaging ito at walang puwedeng pumigil sa kanilang ginagawa?


Hindi na mabilang ang mga insidente na harap-harapan tayong kinakaya ng China ngunit bilang isang mapayapang bansa na hindi naman naghahanap ng gulo ay patuloy tayong naninindigan sa ating karapatan.


Nakunan kasi ng video ng ating Coast Guard noong nakaraang Linggo ang insidente ng ‘close distance maneuvering’ na isang maliwanag na paglabag sa international regulations upang maiwasan ang banggaan sa karagatan.


Namataan ang Chinese vessel sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal or Bajo de Masinloc) na nasa 124 nautical miles northwest ng mainland ng Pilipinas at ito na ang ikaapat na pangyayari sa loob lamang ng sampung buwan.


Hindi naman nagbigay ng kahit anong reaksiyon hinggil sa pangyayari ang China’s embassy sa Manila ngunit ang kanilang Chinese foreign ministry spokesperson ay naninindigan na may karapatan pa rin sila sa pinag-aagawang teritoryo.


Alam naman nating kaibigan natin ang China at katunayan ay tinanggap pa natin ang mga donasyon nilang bakuna laban sa COVID-19 kamakailan lamang pero parang hindi naman sila sinsero sa pakikipagkaibigan sa atin dahil sa ginagawa sa ating teritoryo.


Baka nga lumabas na tayo pa ang masama dahil tinanggap natin ang kanilang donasyon baka inaasahan nilang papayag na tayo sa gusto nila o sadyang hindi sila nag-aalala sa damdamin ng Pinoy.


Ako, bilang mambabatas ay ipinakikiusap ko lang sa China na dapat ay igalang nila ang ating sovereign territories at sundin ang international law upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan sa paulit-ulit na pangyayaring ito.


Sabagay wala namang limitasyon ang bilang ng pagsusumite ng diplomatic protest basta’t ang kailangan lang ay makita nilang naninindigan at ipinaglalaban natin ang ating teritoryo.


Kung inaakala nilang malaki at malakas silang bansa ay nananalig naman tayong mga Pilipino na kahit kailan ay palagi namang nananaig at nagtatagumpay ang tama, napatunayan na ‘yan sa maraming kasaysayan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page