top of page
Search
BULGAR

Negosyong bigo, hindi masasabing may panloloko

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 11, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Naging interesado kaming mag-asawa sa isang business venture na inalok ng katrabaho ng aking asawa. Ipinangako sa amin ang mga magagandang resulta mula rito, ngunit nag-aalala kami sa aming ilalabas na pera. Kung sakaling mabigo ang negosyo, maaari ba namin siyang kasuhan ng estafa? — Theodore


 

Dear Theodore,


Karaniwang binibigyang kahulugan ang pamumuhunan o investment bilang paglalagay ng kapital o paglabas ng pera sa paraang nilayon upang matiyak ang kita o tubo mula rito. Tulad sa lahat ng mga ugnayang kontraktuwal, ang isang kontrata ng pamumuhunan ay higit na pinamamahalaan ng mga itinatakda, sugnay, tuntunin, at kondisyon na maaaring pagkasunduan ng mga partido, na dapat igalang hangga’t ang mga ito ay hindi salungat sa batas, moralidad, mabuting kaugalian, kaayusan ng publiko, o pampublikong patakaran. Kaya, ang mga partido ay malayang sumang-ayon na ang pamumuhunan ay dapat magsama ng mga kita at pagkalugi.


Kaugnay nito, ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong The People of the Philippines vs. Felix Aquino, et al., G.R. No. 234818, 05 Nobyembre 2018, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Estela M. Perlas-Bernabe na hindi lahat ng panukalang mamuhunan sa negosyo ay may bahid ng panloloko:


Lest it be misunderstood, not all proposals to invest in certain business ventures are tainted with fraud. To be sure, an actionable fraud arises when the accused has knowledge that the venture proposed would not reasonably yield the promised results, and yet, despite such knowledge, deliberately continues with the misrepresentation. Business investments ordinarily carry risks; but for as long as the incipient representations related thereto are legitimate and made in good faith, the fact that the business eventually fails to succeed or skews from its intended targets does not mean that there is fraud. As case law instructs, ‘the gravamen of the [crime of Estafa] is the employment of fraud or deceit to the damage or prejudice of another. When fraud pertains to the means of committing a crime or the classes of crimes under Chapter Three, Title Four, Book Two and Chapter Three, Title Seven, Book Two of the RPC, criminal liability may arise; otherwise, if fraud merely causes loss or injury to another, without being an element of a crime, then it may only be classified as civil fraud from which an action for damages may arise.’


Dapat bigyang-diin na ang mga pamumuhunan sa negosyo ay karaniwang nagdadala ng mga panganib. Alinsunod dito, kung ang mga representasyong nauugnay rito ay lehitimo at ginawa nang may mabuting loob, ang katotohanan na ang negosyo sa kalaunan ay mabigo, hindi nangangahulugan na mayroon nang panloloko. Sa kabilang banda, maaaksyunan ang panloloko kapag ang akusado ay may kaalaman na ang negosyo o venture na iminungkahi ay hindi makatwirang magbubunga ng mga ipinangakong resulta, at gayon pa man, sa kabila ng naturang kaalaman, sadyang nagpatuloy sa maling representasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan.  Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page