Negosyo ng pamilya, bumagsak… ALFRED, NAGBENTA NG GAGAMBA PARA MAGKAPERA
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 31, 2023

Hindi lang magkapatid kundi mag-BFF ang turingan nina Konsehal Alfred Vargas at ng kanyang younger brother na si Congressman PM Vargas. Pareho silang mahilig sa musika at coffee lovers din.
Marami silang happy memories noong bata pa sila na bahagi ng kanilang buhay. Isa na sa mga ito ay ang panghuhuli ng gagamba na kanilang ibinebenta upang may pambaon sila pagpasok sa eskuwela.
Naranasan nilang maghirap dahil bumagsak ang lahat ng negosyo ng kanilang pamilya, pero nagsikap silang bumangon upang maka-survive. Halos magkasunod na yumao ang mga magulang nila, kaya ulila nang lubos ang magkapatid na Alfred at PM. Kaya naman, nagdadamayan sila at suportado ang pangarap ng isa’t isa.
Si Cong. PM ay isa sa mga producers ng pelikulang Pieta na pinagbibidahan ni Nora Aunor. Itinatag ng magkapatid ang Alternative Vision Productions na nakapag-produce na ng ilang pelikula.
Kaya biniro ni Konsehal Alfred ang kapatid na si Cong. PM na dapat ay may cameo role ito sa movie na Pieta, at kung gugustuhin pa nito ay puwede silang magsama ni Niño Muhlach sa isang movie project.
Mukhang interesado naman si Cong. PM na subukan ang showbiz, pero hindi full-time. Mas gusto niyang tutukan ang mga projects para sa kanyang mga nasasakupan sa Novaliches. Bukod sa kanyang pamilya, priority ni Cong. PM ang trabaho niya bilang public servant.





Comments