Negosyo at Christmas shopping, purnada dahil sa palpak na health protocols!

ni Ryan Sison - @Boses | December 4, 2020
‘Ika nga, hindi kumpleto ang Pasko ‘pag walang Christmas shopping.
Pagpasok pa lang ng ber months, dagsa ang mga tao sa mall at iba pang pamilihan.
Ramdam na ramdam na palapit na ang Pasko dahil halos lahat ng pamilihan, hindi mahulugang karayom dahil sa dami ng tao.
Pero ngayong taon, iwas muna sa dagsaan at siksikan dahil hanggang ngayon ay nahaharap pa rin tayo sa pandemya.
Bagama’t bukas naman sa publiko ang malalaking pamilihan, mahigpit na binabantayan kung nasusunod ang minimum health protocols para mabawasan ang tsansa ng hawaan.
‘Yun nga lang, ‘di sa lahat ng pagkakataon ay nasusunod ito, kaya ang ending, purnada ang negosyo at pamimili ng mga tao.
Kaugnay nito, pinahinto ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang operasyon ng night market sa lungsod dahil hindi nakontrol ng mga awtoridad ang pagdagsa ng mga tao sa unang gabi ng pagbubukas nito.
Dahil maraming mamimili ang dumagsa, nagresulta ito sa paglabag sa physical distancing.
Ayon sa alkalde, bagama’t pinayagan ang pagbubukas ng night market upang maibalik ang kabuhayan ng mga negosyante, gayundin upang lumago ang ekonomiya ng lungsod, hindi makatwiran na isakripisyo ang buhay at kalusugan ng publiko.
Una rito, inanunsiyo ng alkalde na agad sususpendihin o ititigil ang night market kapag nakitang hindi nasunod ang ipinatutupad na physical distancing at iba pang minimum health protocols.
Kung hindi talaga makokontrol ang taumbayan sa pagdagsa, mabuti sigurong itigil muna ang operasyon saka pag-aralan kung paano mababantayan nang maayos ang minimum health standard.
Lalo pa’t ipinaalala ng mga eksperto na hindi sapat ang pagsusuot ng facemask at face shield kung nasa mataong lugar, kaya kailangan pa ring sumunod sa tamang physical distancing.
Tayo namang publiko, hinay-hinay lang sa paglabas. ‘Wag masyadong ma-excite sa pamimili at tiyaking nakasusunod tayo sa minimum health standards.
Panawagan naman sa mga kinauukulan, ‘pag may lumabag, ‘wag nang magbulag-bulagan. Umaksiyon agad at ‘wag nang hintayin na magkaroon ng hawaan bago kumilos.
Kung kaya nating awatin ang taumbayan sa mga ganitong dagsaan, gawin na para ‘di magsisi sa huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments