top of page
Search
  • BULGAR

Negosyante raw, condo buking na rich guy politician ang may-ari… DOMINIC, PINAIMBESTIGAHAN NG PAMILYA NI BEA BAGO ANG KASAL

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 8, 2024



Nakakabigla ang mga haka-hakang pasabog na balita ng Showbiz Now Na kahapon sa pangunguna ni Nanay Cristy Fermin kasama sina Wendell Alvarez at Romel Chika tungkol kay Dominic Roque.


Binanggit lang na ‘haka-haka’ ni ‘Nay Cristy bilang nag-iingat at hinihintay din nito ang announcement mula kina Bea Alonzo at Dominic. 


Pero, nabanggit ng SNN host na maraming balitang nakarating sa kanya mula sa mga sources na matagal na niyang pinagkakatiwalaan.


Marami kasi ang nagtaka kung bakit biglang naghiwalay na sina Dom at Bea ganu’ng ikakasal na sana sila ngayong 2024.


“Siguro raw ay nauntog na si Bea dahil una, nalaman niya na sa lahat ng ito ay bulsa lang niya ang masasaktan. Sinang-ayunan naman nina Romel at Wendell. Meron pang parang ginagamit lang ni Dominic si Bea,” kuwento ni ‘Nay Cristy.


Say naman ni Romel, lahat ng mga binanggit nila ay naglabasan na sa social media.


“Kaya hahanap tayo sa malapit sa katotohanan,” diin ni Romel.


Sa pagpapatuloy ni ‘Nay Cristy, “Heto na nga po, lagi nating sinasabi na hindi naman dinampot lang ni Bea sa pusalian si Dominic, kasi ang balita talaga, meron siyang business?" 


"‘Yun naman din ang sinasabi niya,” sambit ni Romel Chika.


Sabi rin ni Wendell, “May family business “raw” sila, sabi, pero hindi ko nakita pa.”


“Wala naman tayong nakikitang pictorial or ano'ng merong business. Kaya ang tanong mo ngayon, ayon sa aming source, na merong nakapagsabi sa pamilya ni Bea Alonzo na kailangang paimbestigahan nila itong si Dominic Roque,” diretsong sabi ni ‘Nay Cristy.


Sabay tanong nina Romel Chika at Wendell, “Ay, humantong na sa ganu’n?”


“Oo, may ganu’n, may imbestigasyon!” saad ni 'Nay Cristy.


Nag-ugat daw ang chikang ito sa pre-nuptial agreement na inalok kay Dom na dapat siyang pumirma. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na mas nakalalamang ang assets ni Bea both liquid and solid kung ikukumpara sa ex-fiancé niya.


“Kapag nakalalamang ang babae, ang feeling ng lalaki, ang pride niya ay natatapakan. At kapag ang lalaki naman ang mapera, 'yung pride naman ng babae ang nasasaktan.


“Lagi nating tatandaan na maraming personalidad na hindi po natuloy ang pagpapakasal dahil sa pre-nuptial agreement,” paliwanag ni ‘Nay Cristy.


Napag-usapan din na may mga kumukutya na ang singsing daw na ibinigay niya kay Bea ay baka puwet ng baso dahil nga hindi naman siya ganu’n kayaman.


Sangga ni ‘Nay Cristy, “Lagi natin siyang ipinagtatanggol saanmang diskusyon itong si Dominic, na sinasabi nating meron naman siyang pinagmulan at meron naman siyang negosyo. Pero bakit napakaliit ng tingin sa kanya ng ating mga kababayan sa relasyon nila ni Bea? 


"Heto ngayon, ayon sa aming source ay pinaiimbestigahan ng pamilya ni Bea Alonzo kung ano ba talaga ang trabaho ni Dominic Roque. Ano'ng business daw ba? ‘Yung iba, nagsabi, 'monkey business.'”


Sabi ni Romel Chika, “Kani-kanyang interpretasyon.”


Patuloy ni ‘Nay Cristy, “Isantabi natin ‘yun, kung about sa business at nakatira siya sa super-pangmayamang condo. ‘Yung mga sikat na artista nga, hindi naglakas-loob na tumira ru'n.


"Siguro’y gumugulong na ‘yung imbestigasyon na merong nakaalam na oo, may trabaho si Dominic, pero walang eksakto kung ano iyon. 


"Ang condo unit pala na tinitirhan nitong si Dominic ay nakapangalan sa isang napakakontrobersiyal na pulitiko. Pulitiko ang sinabi ko, ha, lalaki, lalaking pulitiko!


“Ngayon, kapag tinrace natin, kahit doon nakapangalan doon sa pulitiko ‘yung unit, at bakit siya ang boss ni Dominic?”


Hindi na tinukoy ng SNN host kung sino ang pulitiko, bagkus ay hinamon niya ang mga subscribers ng YouTube channel nila, “Kayo na po ang bahalang humusga kung ano ang nababalitaan ninyong pulitiko at sa kanyang mga kaibigan.


"Hindi po iyon sa amin magmumula, basta ang mahalaga ay nakarating po sa aming kaalaman na pinaiimbestigahan ng malalapit kay Bea ang dating karelasyon, kung ano ang kanyang trabaho at kung paano niya nakakayang tumira sa isang mamahaling condominium at kung sino ‘yung kanyang boss,” diin ni 'Nay Cristy. 


Bago namin tapusing isulat ang balitang ito ay nagpadala kami ng mensahe sa manager ni Dominic na si Erickson Raymundo ng Cornerstone Entertainment, pero hindi pa nakita ang aming mensahe hanggang sa ipinasa na namin ito sa BULGAR.


Bukas naman ang BULGAR sa panig ni Dominic Roque o ng management company nito tungkol sa isyung ito.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page