NCRAA Men's Basketball lalarga na sa Philsports
- BULGAR
- Feb 29, 2024
- 1 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 29, 2024

Magbubukas ang 30th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Men’s Basketball Tournament ngayong Marso 1 (Biyernes) tampok ang tatlong laro sa Philsports Arena. Hahamunin ang defending champion Immmaculada Concepcion College ng 10 iba pang paaralan gamit ang temang “Exceeding Sports Beyond Borders.”
Inuwi ng Blue Hawks ang kanilang unang korona sa liga matapos walisin sa seryeng best-of-three ang paborito at numero unong Olivarez College Sea Lions, 80-79 at 79-70. Subalit may kapalit ang tagumpay at isa-isang lumipat sa ibang paaralan ang mga pangunahing manlalaro ng dalawang magkatunggali bunga ng kanilang mahusay na ipinakita.
Maliban sa ICC at Olivarez, ang iba pang kalahok sa tinaguriang Pearl Anniversary ng liga ay Philippine Merchant Marine School Mariners, PATTS College of Aeronautics Seahorses, De La Salle University-Dasmarinas Patriots, Asian Institute of Maritime Studies Blue Sharks, Emilio Aguinaldo College-Cavite Vanguard, Bestlink College of the Philippines Kalasag, Saint Dominic College of Asia Pikemen, Lyceum of the Philippines University-Laguna Pirates at ang nagbabalik na University of Luzon Golden Tigers. Lumiban ang Centro Escolar University Scorpions at Polytechnic University of the Philippines Radicals.
Naging panauhin noong Martes sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ang mga opisyal ng NCRAA. Magtutuos ang ICC at AIMS sa tampok na laro ng 3 p.m. Ang iba pang mga laro sa unang araw ay DLSU-D laban sa UL sa 9 a.m. at SDCA at BCP sa 1 p.m.
Maglalaro ng single round na 55 laro o tig-10 beses ang bawat koponan. Ang walong may pinakamataas na kartada ay tutuloy sa quarterfinals, semifinals hanggang best-of-three finals.





Comments