NBL at WNBL, lalarga na
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 18, 2021

Handa na ang lahat para sa makasaysayang sabay na pagbubukas ng Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 at Cayetano Women’s National Basketball League (WNBL) Season 2021 ngayong araw ng Linggo sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Ito ang unang taon ng dalawang liga bilang pinakabagong ligang propesyonal sa Pilipinas na may 11 koponan ng kalalakihan at lima sa kababaihan.
Magtatagisan ng galing ang Bulacan DF Republicans at Sulong STAN Spartan, dalawang bagong tatag na koponan, sa tampok na laro sa 6:00 ng gabi. Bago noon, maghaharap ang Glutagence Glow Boosters at Pacific Water Queens sa unang propesyonal na laro para sa kababaihan sa 4 p.m.
Maliban sa Bulacan at STAN, ang iba pang kalahok sa NBL ay ang unang tatlong nag-kampeon sa liga noong ito ay amateur pa mula 2018 hanggang 2020 na Paranaque Aces, Taguig Generals at punong abala Pampanga Delta. Sasamahan sila ng mga nagbabalik na La Union PAOwer, Laguna Pistons, Muntinlupa Emeralds at Zamboanga Valientes MLV at dalawa pang baguhan na Mindoro Tamaraws Disiplinados at Quezon Barons.
Ang tatlong ibang koponan na bubuo sa WNBL ay ang Taguig Lady Generals, Paranaque Lady Aces at Sulong STAN Lady Spartan. Ang Bren Z. Guiao ang nagsilbi ding lugar ng 2020 NBL Finals kung saan nagwagi ang Delta sa PAOwer, 3-1, at ang unang NBL/WNBL 1V1 League nitong nakaraang Mayo.
Magkakaroon ng payak na pambungad na palabas sa 2 p.m. kung saan gagawin sa online ang tradisyonal na parada ng mga atleta. Iluluklok sa WNBL Legends Circle ang apat na tanyag na personalidad habang gagawaran ng pagkilala ang ilang personalidad at kompanya na malaki ang papel sa pag-unlad ng Basketball para sa kababaihan sa nakaraang mga taon.





Comments